February 26, 2025

TARPAULIN NI JORIC GACULA NG TAYTAY, RIZAL BINAKLAS

Nagsisimula na umano ang ‘dirty tactics’ ng mga kalaban ni Taytay mayoralty candidate Joric Gacula matapos makunan ng CCTV ang ilang indibidwal na nagtatanggal ng tarpaulin nito.

Sa kuha ng CCTV footage, makikitang pinagtatanggal ang tarpaulin ni Gacula sa P. Ocampo Street sa nasabing bayan at pinalitan ng sa kasalukuyang administrasyon.

Nanawagan si Gacula na dapat na maging patas ang lahat sa nalalapit na eleksyon.

“Nauunawaan namin ang hangaring manalo, ngunit hindi ba’t mas mainam kung patas ang labanan?” ayon sa post ng dating alkalde ng Taytay.

“Ang bawat tarpaulin ay pinaghirapan at pinondohan nang marangal hindi mula sa kaban ng bayan kundi mula sa sariling bulsa at tulong ng kapamilya at supporters,” dagdag pa nito. “Hindi dahil malaki ang kanilang pondo ay dapat balewalain ang iba. Kung nais ninyo itong palitan, sana ay ibalik ninyo ang amin bilang tanda ng respeto.”

Nalulungkot din si Gacula dahil mismong ang Municipal Public Safety Office ang nakasaksi sa nasabing pagbabaklas ng kanilang tarpaulin.

“Wala silang ginawang aksyon isang patunay kung bakit nananatiling mahina ang kaayusan sa ating bayan,” dismayadong pahayag ni Gacula.

Bagama’t nilinaw ng dating alkalde na hindi sila naghahanap ng away, subalit iginiit nito na dapat ay maging patas ang lahat para sa paparating na eleksyon.

Kalaban ni Gacula sa pagkandidatong pagka-mayor si Taytay Mayor Allan de Leon at isang Marilyn Maranan.