November 3, 2024

(Tarlac shooting) KAHIT PUTI NA ANG BUHOK, DAPAT RUMESPETO SA PULIS – CAPT. ARIEL BURAGA



Kinampihan ng Chief of Police ng Bato, Catanduanes na si Police Captain Ariel Ruego Buraga si Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca na walang awang pumatay sa mag-ina sa Paniqui Tarlac.

Para kay Buraga, kasalanan pa umano ng mag-ina na sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio kung bakit sila napatay dahil walang respeto sa pulis.

“Kahit puti na ang buhok, matuto tayo rumispeto sa ating mga kapulisan.. mahirap kalaban ang pagtitimpi at pagpapasensya,” saad niya sa kaniyang Facebook post.

Agad namang binura ang naturang post matapos itong umani ng kabi-kabilang batikos pero mabilis itong na-screenshot ng mga netizens.

PAMAMASLANG HULI SA VIDEO

Matatandaan na naganap ang brutal na pamamaslang nitong Linggo ng gabi sa isang bakanteng lote sa naturang lugar na nahuli sa video na kalat na ngayon sa social media.

Makikita sa video na yakap-yakap ni Sonya, 52-anyos, ang kanyang anak na si Frank, 25-anyos habang nakikipagtalo sa pulis.

Sa pag-aaway ng mga ito ay bigla na lamang umeksena ang anak ng pulis kaya nagdilim ang paningin ni Nuezca at binaril sa ulo nang dalawang beses ang mag-ina nang malapitan.

Agad namang sumuko sa Pangasinan si Nuezca na napag-alamang naka-assign sa Parañaque Crime Laboratory at umuwi lang sa Tarlac.


NANG DAHIL SA BOGA

Ayon kay Tarlac Police Chief Liutenant Colonel Noriel Rombaoa, may isang saksi umano na nagsabing “boga” ang pinag-ugatan ng away ng mga biktima at suspek.

“Nagkaroon sila ng pagtatalo and that time naungkat yung matagal na nilang alitan tungkol sa right of way,” sabi ni Rombaoa. Dagdag pa ni Rombaoa, nagsisisi na umano ang suspek at handa itong humarap sa korte. Nahaharap sa kasong double murder ang suspek.

Sa ngayon ay inihahanda na ng mga pulis ang isasampang kaso sa kanya at humihingi pa ng ibang salaysay sa mga witness na nakakita sa insidente.

DATI NG MAY KASO

Napag-alaman na dati nang nahaharap sa criminal at administrative case si Nuezca, ayon sa Central Luzon police.

Kabilang na dito ang dalawang magkahiwalay na kaso ng grave misconduct (homicide) na kalauna’y parehong na- dismissed dahil umano sa kakulangan ng substantial evidence.

Nasuspende na rin siya noong 2015 matapos tumangging sumailalim sa drug test.