December 24, 2024

Tapyas sa singil inianunsiyo ng Meralco

BAWAS-SINGIL NG MERALCO. Ipinaliwanag ni Meralco Vice President for Corporate Communications na si Joe Zaldarriaga sa media ang mga naging dahilan ng malaking pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan. Ang halos P1 kada kilowatt-hour (kWh) na tapyas ay dahil sa mas mababang generation at transmission charges. Natabunan na ng pagbaba ngayong buwan ang mga naging dagdag-singil ngayong taon.

INANUNSIYO ng Manila Electric Company (MERALCO) na bababa ang kanilang singil sa kuryente sa buwang ito ng Abril.

Ayon kay Meralco Vice President for Corporate Communications Joe Zaldarriaga, ito’y kasunod na rin ng pagmura ng transmission charge na ipinapataw ng planta na ‘First Gas’ dahil sa hindi paggamit ng Liquified Natural Gas sa Sta. Rita at San Lorenzo plants.

Idagdag pa rito ang pagmura rin ng generation charge mula sa mga Independent Power Producer (IPPs) gayundin ng Power Supply Agreement sa kabila ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM)

Dahil dito, asahan na ang P0.98 na bawas singil sa kuryente ang lalabas sa electricity bill ng mga MERALCO consumer ngayong buwan.

Katumbas ito ng P198 na bawas singil para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour habang P494 naman para sa mga MERALCO consumer na kumokonsumo ng 500 kilowatt per hour.