December 24, 2024

TAO ANG MAY-ISIP, BAKIT ANG PAGBAHA’Y ISISISI SA PLASTIC ?

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga minamahal kong mga. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nawa’y hindi magmaliw ang di nauubos na biyaya’t pagpapala ng Panginoong Diyos.

Kapag tag-ulan o wet season mga Ka-Sampaguita, kapag malakas-lakas ang mga pag-ulan,hindi maiiwasang bumaha ng husto. Siyempre, isa sa itinuturong dahilan ay ang pagbara ng mga basura sa daluyan ng tubig gaya ng estero’t mga kanal. Gayundin sa ating mga ilog namistulang mga isdang lulutang-lutang na ang mga plastic.

At halos 85 porsiyento sa mga basurang ito ay pawang mga plastic. Maging ito man ay plastic wrapper at bags, plastic bottle, balat ng sitsirya, sirang mga PVC pipes, mga laruan, straw, plastic na kutsara’t tinidor at iba pang mga bagay na yari sa plastic.

Kung matatandaan mga Ka-Sampaguita, naglabas noon ng ordinansa ang ilang kalunsuran at mga lalawigan— na nagbabawal o kaya’y limitahan ang paggamit ng plastic. Ito rin ang  isinusulong ng Ecowaste coalition.

Maging ang ilang bansa sa mundo ay nagsusulong din na limitahan ang paggamit nito, dahil halos 60 porsiyento n gating mga karagatan ay sinakop na ng plastic. Na nakaapekto sa mga kinapal doon.

Kawawang plastic, sa kanya lahat ng sisi. Teka, mga kababayan, bakit sa plastic isisisi ang lahat? Bakit ito ang isang itinuturong rason ng mga pagbaha, lalo na sa mga kalunsuran?

May isip ba ang plastic? O ang gumagamit nito ang may isip? Sa ganang akin mga kababayan, napakahalaga ng plastic sa ating pamumuhay. Ginagamit itong lagayan ng ating pinamili at mas mainam gamitin sa paper pag.

Buslot o butas ang paperbag kapag masyadong mabigat ang inilagay kapag namili. May eksenang namili ako noon sa isang fastfood. Take-out ang siste ko at sabi ko sa crew, pakilagay sa plastic ang order ko. Yung isang kasabayan ko, sa paper bag. Hayun, nabutas ang lagayan dahil nabasa ng moist ng sofdrinks. Nahulog ang pinamili ng kasama ko.

Batid nating nakapipinsala sa inang kalikasan ang plastic— yan ay kung mali at hindi tama ang paggamit. Kapaki-pakinabang ang plastic kung tama ang paggamit.

Tayong mga tao ang may –isip kaya tayo ang maging responsable, di po ba?

Ang plastic ay mabuti kung tama ang paggamit sa kanila— at makasasama kung mali gaya ng pagtatapon nito kung saan-saan na lang, pagsusunog at iba pa. Kapag tinapon sila sa mga daluyan ng tubig, babara talaga, kaya nagiging sanhi ng mga pagbaha.

Walang plastic na lulutang-lutang sa ilog kung itatapon lamang ito sa tapang tapunan. teka, himayhin natin ang positibong dulot sa plastic.

Ang pagbubukod at pagre-recycle rito ay kapaki-pakinabang dahil nagagamit ang bagong anyo nito na dumaan sa isang proseso. Halimbawa, plastic na ginawang mga upuan.

Isa pa, pwede ring pagkakitaan ito. Alam ba ninyo ang ilang kabutihang fulot ng plastic kapag ginamit sa tama?

Napagagaan nito ang transportasyon. Ginagamit ang plastic upang mabawasan ang pagkunsumo ng gasolina. Katunayan, gumagamit ang Boeing 787 Dreamliner ng fiber-reinforced plastic upang mapalipad ang eroplano.

Oo nga’t maraming nakasasamang kemikal ang taglay ng plastic, na nakasasama kapag ginamit. Pero, tao rin ang gumagawa nito. Ngunit, kung magiging responsable ang ating kapwa sa paggamit ng plastic, hindi tayo mapeperwisyo pati na ang inang kalikasan.

Tayo ang may –isip, kaya tayo rin ang magiging dahilan kung ano ang magagawa ng plastic, di po ba?

Kung walang plastic, papaano ang mga kababayan nating hikahos na ang pangangalakal ang tanging ikinabubuhay? Tao ang may-isip, bakit isisisi sa plastic ang baha? Adios Amosekos.