December 25, 2024

TAN: PAGBABALIK SA HARDCOURT, RIGHT TIME SA GO SIGNAL NG IATF PARA SA LETRAN

POSITIBO ang pananaw ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) champion Colegio San Juan de Letran maging sa panahon ngayon ng pandemya.

Ayon kay Letran coach Bonnie Tan, nais nang makabalik sa hardcourt ng kanyang tropang Knights tulad din ng ibang mga koponan pero mas nais niyang hintayin ang tamang panahon at sundin ang alituntuning health protocol na itinakda ng Inter-Agency Task Force at Joint Administrative Order (IATF/JAO).

“We’re all doing our best to think positive during this time of pandemic,” pahayag ni Tan sa idinaraos kamakailang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports on Air via Zoom.

Sinabi pa ni Tan na nais nilang sumunod sa regulasyon upang maging ligtas ang lahat sa banta ng pandemya.

“Habang wala pang face-to-face classes, wala pa munang ensayo ang team,” ani Tan.

Optimistiko si Tan, team manager din ng North Port Batang Pier sa PBA na malaking bagay ang pagkakuha sa team ng tatlong veteran players mula University of Santo Tomas na sina Renz Abando, Brent Paraiso, at Ira Bataller.

Ang tatlong ex-Tigers ay personal na tinanggap nina Tan at Letran Special Assistant to the Rector for Sports Development Alfrancis Chua kamakailan.

“For me, it’s a blessing, mas lalong lalakas ang team kapag nagkasama na yung mga graduating players at mga newcomers,” ani pa Tan.

“Pinagdarasal namin na maging maayos na ang lahat at makabalik na tayo sa basketball.”

Tiniyak niya na ang Letran Knights ay laging handa na maglaro lalo na sila ang defending NCAA champion.

Makakasama nina Abando, Paraiso, at Bataller ang mga batikan nang sina Larry Muyang, Fran Yu, Jeo Ambohot, Ato Ulkar, at Pao Javillonar at mga bagitong sina Joseph Brutas, Kenny Rogers Rocacuna, Jay Pangalanan, Rafael Go, Yuki Kawamura, Jeff Mailim, at Jimmy Lantaya pati ang nagbalik-Letran na si Christian Fajarito.