December 24, 2024

TAMA NA ANG EPAL

Bakit kaya sa Caloocan City kahit saan ka tumingin mga mukha ng mayor, anak ng mayor at mga kapitan?

Ang siste, kahit sa mga service vehicle ng mga kaalyadong kapitan naroon ang kanilang mukha.

Mga bosing hindi ba’t may batas na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na i-promote ang kanilang sarili gamit ang pondo ng bayan?

Isinasaad sa Anti-Epal  provision, “ government officials, whether elected ir appointed, are banned from self-promotion through placement of names, pictures, or otherwise on programs, projects, and any other initiatives that are funded by the government through the General Appropriations Act.”

Maliwanag po mga Cabalen na mahigpit na ipinagbabawal ang mga pagbabandera ng mukha sa mga service vehicle na ang ipinambili dito ay pera ng mga tulad nating mga tax payers.

Sa kabila ng pagbabawal na ito, patuloy pa din itong nilalabag ng pamunuan ng Caloocan City pati na ng mga kaalyado nito.

Una po mga Cabalen, sa aking palagay hindi gagastusan ng mga opisyal na ito ang mga stickers, posters at streamers para idikit ang kanilang pagmumukha kung ang pambayad dito ay magmumula sa kanilang sariling pera.

Pero dahil hindi sariling pera mga Cabalen, walang patumangga ang kanilang pagpapagawa na idinadaan ang proseso ng pagbili di umano sa general services ng kanilang opisina.

Bakit nga kailangan ibandera ang pagmumukha at bakit ba ito ginagastusan? Sana po mga boss, gamitin na lamang ninyo ito na pantulong sa inyong mga taga-Caloocan. Marami pa ang matutuwa.

Magandang hakbang ang paghain ng reklamo ni Konsehal Pj Malonzo laban sa pamunuan ng Caloocan City. Para naman mabawas bawasan ang mga “Hi-ho, hi-ho” sa lungsod.

Pandemiya pa po mga boss, sana itulong na lamang ninyo sa mga taga- Caloocan kesa ibinibilo ninyo ng streamers, tarpaulin at mga stickers na ikinakabit sa mga service vehicles ng barangay na pag aaari ng gobyerno.