November 5, 2024

Taliwas sa pasabog ni ex-President Duterte… MARCOS WALA SA DRUG WATCHLIST – PDEA

Pinabulaanan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief of Staff at Spokesman Derrick Carreon ang ibinulgar ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Drug Watch List ng PDEA. (Kuha ni ART TORRES)

MARIING kinontra ng liderato ng Philippine Drug Enforcement Agency ang akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa drug watch list ng PDEA ang Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ang paglilinaw ng pamunuan ng PDEA ay inilabas ngayong umaga ng tagapagsalita ng ahensiya, Derrick Carreon.

Una nang sinabi ng matandang Duterte na noong síyà ay alkalde ng Davao ay may ipinakitang ebidensiya ang PDEA na ang pangalan ng Pangulong Marcos Jr ay nasa drug watch list ng ahensiya.

Binanggit ng PDEA na ang dating Pangulong Duterte ay naging alkalde ng Davao mula 1988 hanggang 1998; mula 2001 hanggang 2010; at 2013 hanggang 2016.

Habang ang PDEA, ay naging aktibo noong July 30, 2002, at nang buhayin ang ahensiya, itinatag naman ang  PDEA National Drug Information System or NDIS, na buhay pa hanggang ngayon.

Ang NDIS ay ang  intelligence database ng lahat ng drug personalities, nangangalap ng mga impormasyon sa  counterparts sa law enforcement at intelligence agencies.

Alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, nagsasagawa ng regular  intelligence workshops ang PDEA sa mga law enforcement agencies upang ma-update ang NDIS.

Binigyang-diin ng liderato ng PDEA na mula noong 2002 nang itatag ito hanggang sa kasalukuyan ay hindi kailanman napabilang sa drug watch list o database ng NDIS ang Pangulong Ferdinand R Marcos, Jr.

 Ayon pa sa pamunuan ng PDEA, mahalagang bigyang-pansin na noong 2016 nang maupong Pangulo ng Pilipinas ang nakatatandang Duterte ay gumawa rin ng listahan na narco-list na minsan ay tinatawag na Duterte-list, at sa patuloy na validation at revalidation ng data ay naging  Inter-Agency Drug Information Database o I-D-I-D na ito.

At kahit sa I-D-I-D, nilinaw ng PDEA na wala ruon ang pangalan ng Pangulong Marcos Jr. Nanindigan ang PDEA na batay sa mga naturang verified information, si Pangulong Marcos Jr ay hindi kailanman napabilang sa drug watch list ng ahensiya.