January 23, 2025

TAKTIKA SA BUHAY-PULITIKA

Usap-usapan ang Duterte-Duterte tandem sa darating na national elections sa Mayo 2022.

Maibigay kaya ang pagkakataong ito sa mag-amang Digong at Sara Duterte?  Tanggapin kaya ng publiko ang pangarap na ito ng mga Duterte sakali man na hindi mag-iba ang ihip ng hangin?

Mabigat nga ba ang labanang ito para sa pambansang eleksiyon? May mga pumoporma pa lamang ay butata na.

Ang pagpapartner-partner at pagpapakita ng alyado ay hudyat na sadyang malapit na ang sagupaan para sa pagka-Presidente, senador, kongresista, gobernador, mayor hanggang konsehal.

Natural na lamang ang nakaupo na sa ano mang posisyon dahil sa hawak nito ang makinarya at kaban.

Kung pagbabasihan ang salita ni Duterte, wala siyang planong tumakbong muli sapagkat matanda na siya at mas masarap ang kanyang buhay pribado. Sinabi din nito na hindi niya patatakabuhin ang kanyang anak na si Inday Sara.

Bakit tila nag iba ang ihip ng hangin at maliwanag pa sa sikat ng araw ang motibo at plano ng ikinikilos ng kampo ni Duterte? Na tatakbo siyang muli sa pagka-pangulo.

Ang maitim na balak nito na kasing dilim ng kalagayan ng mga Pilipinong hanggang ngayon ay hilahod pa din sa hirap dahil sa pandemiya. Kasing dilim ng balon na kinasapitan ng mga biktima ng COVID.

Bakit nga ba ang nakasanayang political dynasty at muling pagtakbo sa ibang posisyon ng baba sa puwesto ay hindi mapatid-patid sa larangan ng pulitika sa bansa.

Gaya ng ibang pulitiko na tumatakbong muli sa kapareho o ibang posisyon, ano ang dahilan?

Una, upang protektahan ang mg kayamang naipon nito habang siya ay nanunungkulan.

Ikalawa, bigyan ng proteksiyon ang pagkamal ng kayamanan at mga aanihin pa ng pamilya kaanak na may negosyo man o pulitikal.

Ikatlo, upang bigyan ng proteksiyon ang kani-kanilang pamilya at nga kaibigan laban sa  posibleng paratang, pagkakakulong at prosekusyon ng hustisya at pagkakakulong.

Mga Cabalen, matatandaan na benggatibo ang pulitika sa bansang ito.

Mga presidenteng nakulong at pinakawalan o di kaya ay nag exile sa kaalyadong bansa.

Sakaling mawala sa posisyon si Duterte at kailangan niyang mag-exile upang makaiwas sa pagkakakulong sa mga naka-umang na kaso sa kanya malamang magtatago ito sa China. Hindi kaya?

Tandaan ninyo na si Duterte ay naging presidente dahil sa isang taktikang ginawa nito. Ayon sa Saligang Batas, kung tumakbo itong vice president, alam ba ninyong maaari siyang maging presidente upang palitan ang kanyang nakaupong pangulo sakaling manalo sa pagka-presidente si Inday Sara?

Kaya mga Cabalen, tayo po ay maging matalino. Maraming butas ang batas!