December 24, 2024

Takas na preso sa Iwahig, naibalik sa piitan makalipas ang 25 taon

Makaraan ang 25-taong pagtatago, muling naibalik sa Iwahig Prison and Penal Farm  (IPPF) ang isang takas na na nadakip ng Bureau of Corrections Fugitive Recovery Team sa Sitio Pandaitan, Barangay Sta. Lucia, Sablayan, Occidental Mindoro.

Kinilala ni Sablayan Prison and Penal Farm Chief Superintendent , Roberto Veneracion ang naarestong takas na si Pedrino G. Núñez may Prison No. 197P-040, 59, na naninirahan sa  Sitio Pandaitan, Barangay Sta. Lucia, Sablayan, Occidental Mindoro.

Ang akusado ay ginawaran ng korte ng parusang reclusion perpetua dahil sa kasong murder.

Nakulong sa IPPF noong Oktubre 23, 1997 ngunit nakatakas noong April 14, 1999.

Kaugnay nito, nagbabala si BuCor Director General Gregorio Pio Catapàng Jr sa mga PDL na nagbabalak tumakas na hindi sila makapagtatago dahil sila ay hahanapin upang pagdusahan ang kanilang kasalanan.

Hindi aniya makahuhulagpos sa kamay ng batas at lahat ng takas sa hustisya ay maibabalik sa piitan.

“Tulad ng sinabi ko noon na kapag kayo ay tumakas hahanapin namin kayo kahit saan kayo magtago at ibabalik namin kayo sa corrections facility at ito ang patunay,” paliwanag ng BuCor Chief.