April 20, 2025

TAIWAN TERROR! TAIPOWER WUMASAK SA HIP HING SA AVC CHAMPIONS LEAGUE

Larawan mula sa PNA

Walang kahirap-hirap na dinispatsa ng Kaohsiung Taipower ng Taiwan ang Hip Hing ng Hong Kong sa pagbubukas ng AVC Women’s Champions League, Linggo ng hapon sa Philsports Arena.

Walang patawad ang Taipower sa loob ng 64 minuto, tinambakan ang kalaban sa straight sets: 25-10, 25-16, 25-14 sa kanilang unang laban sa Pool B.

Bumida si Peng Yu-Rou na may 16 puntos mula sa 15 atake at isang ace. Sinundan siya ni Tsai Yu-Chun na may 11 puntos – walong atake, dalawang aces, at isang block.

Tumipa rin ng kontribusyon sina Hsu Wan-Yun (7 pts), team captain Huang Ching Hsuan (6 pts), at middle blockers na sina Hu Xiao-Pei at Pao Yin-Chi na may tig-limang puntos.

“Itong tournament na ‘to, malaking karanasan sa amin,” ani starting setter Hung Chia-Yao, na nagtala rin ng 10 digs at dalawang puntos.

Dagdag pa ni Hu Xiao-Pei, “Malaki ang natutunan namin dito, lalo na kung paano maglaro ang ibang bansa at kung paano pa namin mapapaganda ang team communication.”

Para sa Hip Hing, nanguna si Pang Wing Lam na may 7 puntos habang 4 na puntos naman ang naambag ni setter Fung Tsz Yan.

Ang Taipower, na siyam na beses nang kampeon sa Taiwan Top Volleyball League, ay muling babanat kontra Petro Gazz, ang PVL All-Filipino champion bukas, (Lunes), alas-4:00 ng hapon.

Babangon naman ang Hip Hing laban sa Petro Gazz sa Martes, alas-7 ng gabi. (RON TOLENTINO)