April 26, 2025

“Tagumpay! Ninakaw na Amorsolo Painting, Nasa Hofileña Museum na Uli!”

KUHA ANG LARAWAN SA FB

BACOLOD CITY – Isang makasaysayang tagumpay ang ipinagdiwang sa Silay City matapos maibalik ang kilalang painting ni National Artist Fernando Amorsolo na “Mango Harvesters” sa Hofileña Museum, ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental.

Ang obra, ipininta pa noong 1936, ay ninakaw mula sa museo noong Hulyo 3, 2024, ngunit mabilis na nabawi ng National Bureau of Investigation (NBI) makalipas lamang ang ilang araw at itinurn-over muna sa National Museum sa Maynila noong Hulyo 12.

Noong Biyernes ng hapon, pormal na mulîng inilibas at ipinamalas sa publiko ang obra sa isang seremonya na dinaluhan ng pamilya Hofileña, mga opisyal ng lungsod, mga alagad ng batas, mga tagapagtaguyod ng kultura at kasaysayan, artists, at tour guides.

“Hindi lang tayo nagbabalik ng isang nawawalang painting – ibinabalik natin ang isang kwento, isang alaala, at bahagi ng ating kultural na pamana na minsang nawala sa atin,” ani Gov. Eugenio Jose Lacson sa kanyang mensahe na binasa ni Provincial Tourism Head Cheryl Decena.

Nagpasalamat si Lacson sa Hofileña family sa kanilang walang sawang dedikasyon sa pagpapanatili ng kayamanang kultural ng Silay at buong Negros Occidental.

Pinuri rin ng gobernador ang NBI, Philippine National Police, at lahat ng nakibahagi sa matagumpay na operasyon.

“Isang maipagmamalaking tagumpay ito na nagpapakita ng tiyaga, husay sa imbestigasyon, at matibay na koordinasyon ng ating mga alagad ng batas,” dagdag pa niya.

Ayon kay Decena, katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang pamilya Hofileña sa pagdiriwang ng pagbabalik ng mahalagang painting, sabay diin na “seryoso ang Negros Occidental sa laban para sa proteksyon at pangangalaga ng ating lokal na pamana.”

Sa seremonya, binigyan pa ng parangal ang isang tourist pedicab driver na nakatulong sa pagbigay ng lead sa mga awtoridad — matapos matukoy na mga sumakay sa kanyang padyak ang mga nagnakaw ng painting.

Base sa ulat ng NBI, dalawang suspek — na ngayon ay nahaharap na sa kaso — ang nagtangkang ibenta ang 12″ x 18″ na painting sa mga undercover agent kapalit ng P3 milyon.

Samantala, sinabi ni National Museum Director General Jeremy Barns na inasam nila ang matagumpay na pag-uuwi ng “Mango Harvesters” sa Hofileña Museum at ang tuluyang pagharap sa hustisya ng mga sangkot sa pagnanakaw ng pambansang yaman ng sining at kultura.