January 19, 2025

TAGUIG SA MAKATI: HEALTH AT RESIDENTS WELFARE, ‘WAG POLITIKAHIN

Pinuna ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang Makati sa pagpapahinto ng operasyon ng mga health center at lying-in clinic sa 10 EMBO – Enlisted Men’s Barrio – barangay na ngayon ay nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Sa isang pahayag, tinawag ng Tagug na ang naturang hakbang ay isang uri ng panlilinlang at sinasabing hindi na kailangan ng license to operate ang mga health center na pinapatakbo dati ng Makati maliban na lang kung nakarehistro ito bilang primary care facility.

“Iisa lamang ang registered primary care facility sa EMBO, ang Pitogo Health Center, na may lisensyang tatlong taon na may bisa pa. Kaya’t lahat ng health centers sa EMBO ay maaring magpatuloy ng operasyon kung gustong magbigay ng serbisyo,” ayon sa Taguig.

Sinabi rin nito na gusto ng Makati na itigil ang pagbibigay ng medical services sa mga residenteng EMBO, na bahagi ng Taguig base sa desisyon ng Korte Suprema.

“Hindi alintana ng Makati na ang kanilang tunay na pinahihirapan ay ang mga taong ipinaglalaban umano nila ang interes.”

Dagdag pa ng Taguig, na pumayag si Makati Mayor Abby Binay noong Setyembre na ilipat ang pangangasiwa sa mga health center nitong Oktubre, ngunit iginiit na umatras ang Makati sa kasunduan.

“Sakaling hayaan ng DOH na tuluyang isara ng Makati ang EMBO health centers at lying-in clinic, tiyak na masisira ang mga pasilidad at kagamitan rito. Mas gugustuhin pa ito ng Makati sa halip na mapakinabangan ito ng sambayanan, na siyang mismong layunin kung bakit iginawad ng Estado ang lupang kinatitirikan ng health centers.”

Nilinaw din nito nakahanda na silang magbigay ng medical services sa higit 300,000 residente sa EMBO barangays.

Gayunpaman, sinabi ni Makati City Administrator Claro Certeza na dapat sisihin mismo ng Taguig LGU ang kanilang sarili dahil sa pagkabalam ng mga operasyon ng health facilities sa 10 EMBOs.

Ani nito, dapat alam ng mga opisyales ng Taguig na kailangan ng License to Operate ng mga health center.

“Matagal nang alam ng Taguig na magsasara ang health centers sa EMBO barangays bago pa man ito i-anunsyo ng Makati. Matagal na ring alam ng Taguig na kailangan ng License to Operate para sa health centers sa EMBO. Ito ay ipinaalala pa sa kanila ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH) sa isang sulat noong November 21, 2023. Ano ang naging aksyon ng Taguig? WALA,”  saad ni Certeza.

 “Ngayon, pinalalabas ng Taguig na sila ay ginigipit ng Makati. Hindi ba ito katawa-tawa? At sino ngayon ang nagsasakripisyo sa buhay at kapakanan ng mga taga-EMBO para sa politikal na interes?” dagdag ni Certeza.