November 2, 2024

TAGUIG LGU NALAMPASAN ANG NVOC TARGET NA 8K JABS

Inihayag ng Taguig City Government na nalampasan nito ang target na bilang ng babakunahan kada araw ng National Vaccination Operations Centers (NVOC).

Ayon sa lokal na pamahalaang ng Taguig July 31 nakapagturok sila ng bakuna sa kabuuang 16,625 na Taguigeños na katumbas ng 200% ng NVOC target na 8,000 bawat araw.

Kaugnay nito,pinasalamatan ni City Mayor Lino Cayetano ang mga residente, healthcare workers at vaccination teams sa lungsod.

Patuloy naman ang pagdagsa ng mga nagnanais na magpabakuna sa mga itinakdang vaccination hubs sa lungsod.

Ginagamit din ang vaccination bus at home service vaccination program para sa mga nakahiga na lamang na mga pasyente.

Hinimok ng alkalde ang mga hindi pa nababakunahang Taguigeños na sunggaban ang oportunidad na makakuha ng libreng bakuna sa panahong nasa ilalim ng enhanced community quarantine sa Metro Manila simula ngayong araw Agosto 6 hanggang 20 lalo na ngayong may banta ng Delta variant.

Tiniyak ng alkalde na makatatanggap ng financial assistance ang mga kuwalipikadong indibiduwal mula naman sa national government at ng relief goods buhat sa lokal na pamahalaan sa panahon ng ECQ para masiguro maabot ang kanilang pangangailangan.-