December 23, 2024

SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO

Nagpahayag ng suporta si Sen. Idol Raffy Tulfo kay Senate President Chiz Escudero sa kanyang panawagan sa Land Transportation Office (LTO) na tukuyin at agad ipaalam sa Senado ang pagkakakilanlan ng may-ari ng puting SUV na gumagamit ng plakang 7.

Nag-viral sa social media ang video ng nasabing SUV gamit ang plakang ina-assign lamang sa isang senador dahil tumakas ito matapos sitahin ng Department of Transportation (DOTr) – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) lady enforcer sa pagdaan sa EDSA Busway noong Nobyembre 3.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, agad na tinawagan ni Sen. Idol si LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr. para humingi ng update ukol sa isyung ito. Base sa kanilang pagsusuri, napagalaman nila na peke ang ginamit na plaka ng SUV dahil wala raw itong mga security feature na mayroon sa mga legit na plakang 7.

Ang plakang 7 rin daw ay ginamit sa harap at sa likod ng naturang SUV imbes na sa harapan lamang, bukod pa sa wala itong conduction sticker. Kaya sa ngayon ay blangko pa raw muna sila kung sino talaga ang may-ari ng SUV, saad ni Idol.

Kinumpirma rin kay Sen. Raffy na 24 lamang sa buong Pilipinas ang nagmamayari ng puting Cadillac Escalade kaya posibleng matutukoy pa rin ang may-ari nito. Ang nasabing Escalade ay tumatahak daw Southbound patungong Ayala.

Mabilis namang tinawgaan ni Sen. Raffy si SAICT Vice Chairman Assistant Secretary Jose “Tracker” Lim IV. Sinabi ni Lim na bagama’t hindi pumara at nakatakas ang SUV, nagbukas naman ng bintana ang lalaking nakasakay sa front seat nito na pinaghihinalaang security aid ng pasahero sa likod na VIP umano.

Gayunpaman, nagpadala si Lim ng screenshot ng dalawang pasahero mula sa video na nakuha nila kaya nanawagan din si Tulfo sa publiko na makipagugnayan lamang sa LTO at SAICT o dili kaya sa Senate Office ni Sen. Tulfo kung kilala nila ang nasa video.

Nangako rin si Sen. Idol na siya ay magiging patas at walang sasantuhin dito.