Naghain si Senator Grace Poe ng isang panakulang batas na naglalayon na pagayan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspendehin ang pagtaas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ang pagtaas ng kontribusyon ay isinabay sa panahong pilit na bumabangon ang taumbayan sa epekto ng pandemya at pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” saad ni Poe.
“Kailangan nating pakinggan ang daing ng ating mga kababayan na mapakain ang kani-kanilang pamilya at magkatrabaho para mabuhay, na walang dagdag-pabigat kundi tulong mula sa pamahalaan,” diin ni Poe.
Isinasaad sa panukala na sa ilalim ng state of national emergency o public health emergency o state of national calamity, maaaring suspindihin ng Pangulo, alinsunod sa rekomendasyon ng PhilHealth board matapos ang konsultasyon sa mga apektado, ang pagtaas sa kontribusyon sa nasabing ahensiya.
Ang bill ni Poe, na mag-aamiyenda sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act, ay papayag naman sa pagbawi ng suspensyon sa pagtaas ng kontribusyon sa oras na matanggal na ang mga kundisyon.
“Sa pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth sa panahon ng pangangailangan, maisasalba rin natin ang ating mga kababayan mula sa kagipitan,” ayon kay Poe.
Umaasa ang senador na mabibigyan ng atensyon ang kanyang panukala upang masuspinde ang pagtataas sa kontribusyon na ipinatupad na ng PhilHealth simula nitong Hunyo.
Mula 3 porsiyento, itinaas na sa 4 porsiyento ang premium rate na kasalukuyang sinisingil.
Dahil retroactive ang pagtaas mula Enero nitong taon, bukod sa itinaas na kontribusyon, kailangan ring magbayad ang mga miyembro ng dagdag na premium na 1 porsiyento mula Enero hanggang Mayo.
Alinsunod sa batas, ang premium rate ay dapat itaas ng 0.5 porsiyento kada taon, simula sa 3 porsiyento sa 2020 hanggang sa maabot nito ang 5 porsiyento.
Noong Enero 2021, inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na ipagpaliban ang pagtataas sa kontribusyon sa gitna ng krisis sa kalusugan.
Ayon kay Poe, samantalang katanggap-tanggap ang layunin ng UHC Act at ng National Health Insurance Program, hindi napapanahon ang nasabing pagtataas.
“Kasalukuyang umaahon ang bansa sa epekto ng pandemya at nagpupunyagi ang ating mga kababayan sa gitna ng bagong normal. May iba namang kababalik pa lamang sa trabaho o muling nagbukas ng kanilang maliit na negosyo habang nahihirapan pa ring matustusan ang araw-araw na pangangailangan at pagbabayad ng patong-patong na utang,” paliwanag ni Poe. “Ang anumang hindi napapanahong pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth ay hahadlang sa pag-asa at kakayahan ng ating mga kababayan na makaraos sa panahong punung-puno ng hamon. Alalayan natin sila nang may tunay at malalim na malasakit,” giit ng senador.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA