June 15, 2025

Suspek sa Therapist Slay Case patay sa engkwentro sa Quezon; 2 pa arestado

QUEZON – Patay ang isa sa tatlong suspek habang naaresto ang dalawa pa matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation kaugnay sa pagdukot at pagpaslang sa isang 23-anyos na lalaki mula sa Lipa City, Batangas.

Dead on arrival sa San Pablo District Hospital sa Laguna ang suspek na si Aniceto Decepeda, 39-anyos, residente ng Brgy. Tactac, Balayan, Batangas. Arestado naman sina Gonzalo Salva, 38, ng Brgy. Sambat, Balayan, Batangas, at Jay-R Silva Rosita, 38, ng San Antonio, Quezon.

Ayon sa ulat ni Quezon Provincial Police Office Director P/Col. Reuben Lacuesta kay PRO 4A Calabarzon Regional Director BGen. Paul Kenneth T. Lucas, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng San Antonio Municipal Police at Alaminos Police nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 13, sa Brgy. Arawan, San Antonio, Quezon.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang mga suspek ang responsable sa pagdukot at brutal na pagpatay sa biktimang si John Hubert Cruz, isang therapist at residente ng Brgy. Tambo, Lipa City. Natagpuan ang bangkay ng biktima noong Hunyo 10 sa Lipa-Alaminos bypass road sa Sta. Rosa, Laguna.

Narekober sa operasyon ang dalawang sasakyan na sinasabing ginamit sa krimen: isang Toyota Corolla (UFX 827) at isang puting Toyota Vios (UVY 622). Nasamsam din ang dalawang armas: isang cal. 45 na may magazine at bala, at isang cal. 9mm na baril na loaded din ng bala. Nahaharap ang mga suspek sa kasong Kidnapping with Murder at pansamantalang nakakulong sina Salva at Rosita sa Alaminos Holding and Detention Facility. (Ulat nina Koi Hipolito at Erichh Abrenica)