May 19, 2025

Suspek sa pagpaslang sa tiyuhin, arestado sa Laguna

VICTORIA, LAGUNA — Arestado ang isang lalaki matapos ang isinagawang manhunt at follow-up operation ng Victoria Municipal Police Station kaugnay sa pagpaslang umano nito sa sariling tiyuhin dahil sa away-pamilya noong Linggo ng umaga, Mayo 18, 2025, sa Brgy. Masapang ng bayang ito.

Kinilala ang suspek na si Richie (buong pangalan hindi isinapubliko), nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Victoria PNP, bandang alas-5:10 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang barangay tanod na nagsabing may natagpuang bangkay ng lalaki na duguan at may mga tama ng bala sa katawan sa tabi ng kalsada.

Kaagad nagsagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad at lumabas sa imbestigasyon na ang biktima ay binaril ng sariling pamangkin gamit ang cal. .45 na baril.

Ayon sa isang nakasaksi, tinukoy nito ang suspek na siyang namaril sa biktima. Dahil dito, agad isinagawa ang pag-aresto at narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang ginamit na baril na may lamang magazine at mga bala.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong Murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Omnibus Election Code. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)