February 11, 2025

Survivor sa “Superman stunt” sa Marilaque binawian ng driver’s license ng LTO

TULUYANG binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng rider na nakaligtas sa viral na “Superman stunt” sa Marilaque Road matapos mapatunayang guilty sa pagiging “unfit” sa pag-operate ng motor vehicle matapos gumawa ng isang mapanganib na stunt sa isang pampublikong kalsada noong nakaraang buwan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ibinase ang desisyon sa nakalap na ebidensiya at at matapos ding bigyan ng pagkakataon ang rider na si Rico Akmad Buyawan para magpaliwanag bilang bahagi ng due process.

“The driver’s license that the government is issuing to the motorists is a privilege that comes with a responsibility that those who would get it would observe road safety and be a responsible driver at all times,” ayon kay Asec Mendoza.

“Magsilbing aral sana ito sa lahat ng ating mga kasamang motorista, lalo na ang mga motorcycle rider, na hindi tamang lugar ang mga pampublikong kalsada sa mga ganitong gawain dahil ilalagay mo sa alanganin ang buhay ng ibang tao,” dagdag niya.

Sa kaso ng aksidente sa Marilaque Road na kinasangkutan ni Buayan, nagresulta ito sa pagkamatay ng isa pang motovlogger na si John Louie Arguelles, at nagdulot ng pinsala sa hindi bababa sa anim na iba pang tao na nagpapahinga sa tabing-kalsada.

Nangyari ang insidente noong Enero 8 sa Barangay Cuyambay, Tanay Rizal na bahagi ng Marilaque Road.

Sa viral video, nakita si Buayan at Arguelles na nag-perform ng mapanganib na stunt at ilang segundo pa, nahagip ng motorsiklo ni Buyawan ang motor ni Arguelles na agaran nitong ikinasawi.