December 26, 2024

SUPORTA SA MGA MANGGAGAWANG BUKID, KARAPATAN SA LUPAIN HINILING SA PRESIDENTIAL BETS

Nagsagawa ng demonstrasyon ang mga miyembro ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform sa Elliptical Road sa Quezon City ngayong araw para hilingin sa mga presidential bet na suportahan ang karapatan ng mga magsasaka sa mga lupain na dating pagmamay-ari ng mga Cojuangco at ngayon ng SM. (Kuha ni ART TORES)


Nanawagan ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa mga may mabubuting layunin na presidential bets na suportahan ang manggagawang bukid at mga residente sa Brgy. San Agustin, Hacienda Murcia, Concepcion, Tarlac na ipamahagi na ang 132 ektaryang lupang agrikultural sa kanila.

Mahigit sa isang daan sa kanila ang nagtungo sa Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong araw, Pebrero 21, 2022, para ibigay sa DAR ang petisyon na naglalayong ipamahagi na ang lupang matagal nang binubungkal ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Murcia.

Ang nasabing lupang agrikultural ay pagmamay-ari ng mga Cojuangco hanggang 2019,  nang ibinenta nila sa Landfactors Inc., na pagmamay-ari ng SM Development Corporation (SMDC).

Hindi kasama ang Hacienda Murcia nang ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid. Nagtatag ng isa pang kumpanya ang mga Cojuangco upang pamahalaan ang mga lupain ng asukal, na tinatawag na Murcia Sugar Farm.

Nahinto ang operasyon ng sakahan noong Hunyo 2005, pitong buwan pagkatapos ng masaker sa Hacienda Luisita. Ngunit isang financier ng mga Cojuango ang umupa ng mga lupain at nagpatuloy sa pagtatanim ng tubo o sugarcane doon.

Sa kabila ng mga ito, ang nasabing mga lupain ay hindi kailanman sumailalim sa land reform, at naibenta ng mga Cojuangco ang mga ito sa isang residential company.

Gayunpaman, lumalabas sa mga rekord na walang ordinansa o resolusyon para sa reclassification. May mga kamakailang ulat na sinuhulan ang mga opisyal ng barangay at munisipyo upang muling i-classify ang nasabing mga lupain sa non-agricultural use.

Ayon UMA, sangkot ang SM sa maraming pangangamkam ng lupain, at pinakahuli at kanilang itinatanggi ay sa Patungan, Maragondon, Cavite.

Isang abogado ng pamilya Cojuangco ang lumapit sa mga manggagawang bukid at residente ng Hacienda Murcia noong Oktubre 2019 at inutusan silang lisanin ang kanilang mga lupain.

Sinampahan naman ng Landfactors Inc. ng kasong trespassing at malicious mischief ang mga residente, nang magbungkal sila ng 10 ektarya ng mga lupain noong Nobyembre 2021. Kasabay nito, nagdagdag din ng mga armadong security guard ang kumpanyang pagmamay-ari ng SM sa pinagtatalunang lupain.

Giit ng UMA, walang karapatan ang SM na magmay-ari ng mga lupang pang-agrikultura at gamitin sa ibang bagay. Saad pa nila, hindi makakatakas sa pananagutan ang mga Cojuangco sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga lupa sa halip na ipamahagi ito sa mga manggagawang bukid.

Isa lamang ito sa ilang lugar na pinagtatalunan sa bansa ngayon. Ang tunay na repormang agraryo ay dapat pa ring ipatupad ng susunod na administrasyon, upang hindi ito masira ng kaguluhan sa kanayunan.

Sinuman ang susunod na mamumuno sa bansang ito ay maaaring magkaroon ng boses bilang suporta sa mga manggagawang bukid at residente ng Hacienda Murcia.