December 23, 2024

Suporta sa mga mag-aaral ng ALS paigtingin upang maiwasan ang mga dropout — Gatchalian

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagbibigay suporta sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) upang mapigilan sila sa pag drop-out sa programa.

Pinuna ni Gatchalian ang pagbaba ng completion rates ng ALS o ang porsyento ng mga mag-aaral na nakakatapos sa programa, bagay na aniya’y nagpapahiwatig na tumataas ang bilang ng mga dropout. Ayon sa datos, 65% o 454,550 sa 698,356 na mga mag-aaral ang nakakumpleto ng programa noong School Year (SY) 2016-2017. Noong SY 2021-2022, bumaba sa 328,195 o 49% ng 668,947 na mga mag-aaral ang nakatapos ng programa.

Ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF, ang kakulangan ng suportang pinansyal (38%) at ang pangangailang magtrabaho ang mga pangunahing rason kung bakit hindi natatapos ng mga mag-aaral ang programa sa ALS.

“Mahalagang patatagin natin ang guidance at counseling para sa mga mag-aaral ng ALS upang tulungan at hikayatin silang manatili sa programa. Kailangan din nating ilatag ang kanilang career progression upang malaman nila kung saan sila maaaring pumunta, anong mga skills ang maaari nating paigtingin, at ano ang mga trabahong maaari nilang pasukan kapag natapos na nila ang ALS,” ani Gatchalian, na may akda at sponsor ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510).

Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Accreditation and Equivalency (A&E) Assessment upang sukatin ang performance ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, susukatin ng A&E at bibigyang certification ang competencies ng mga nakatapos sa ALS. Bagama’t umabot sa 63% ang average completion rate mula SY 2016-2017 hanggang SY 2018-2019, 33% lamang mula sa mga nakatapos ng programa ang nakapasa sa A&E.

Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian at lumalabas sa Labor Force Survey 2018 at 2021 ng Philippine Statistics Authority (PSA) na aabot hanggang 27.3 milyong Pilipinong 15 taong gulang pataas ang hindi nakatapos ng pag-aaral at hindi enrolled sa ALS noong SY 2022-2023. May 640,448 na mga mag-aaral ng ALS ang naka-enroll sa school year na iyon, katumbas ng 2% participation rate.