June 15, 2025

SUPERVISOR NA CHINESE BINUGBOG AT PINAGBANTAAN NG DATING EMPLEYADO SA ANTIPOLO

ANTIPOLO CITY — Isang insidente ng pananakit at pagbabanta ang iniulat sa Antipolo Component City Police Station nitong Hunyo 13, 2025, sa Sitio Binayoyo, Barangay Calawis, Antipolo City.

Ayon sa ulat, bandang alas-9:10 ng umaga, habang sakay ng isang service vehicle ang biktima na si alyas Pin, 45 taong gulang na Chinese national at mechanic supervisor, kasama ang kanyang mga kasamahan, nilapitan sila ng suspek na si alyas Cai, 28 taong gulang, residente ng Barangay Calawis.

Pagbaba ng suspek mula sa kanyang motorsiklo, nilapitan nito ang passenger side kung saan nakaupo ang biktima at bigla nitong pinagsusuntok sa kanang mata at likod nang ilang ulit. Kasabay nito ay ang pagbabanta ng suspek na, “Papatayin kita, babarilin kita, umalis ka na sa Calawis,” habang nagpapakita ng kilos na parang kumukuha ng bagay mula sa kanyang sling bag.

Agad namang inawat ng mga kasamahan ng biktima ang suspek, na kalaunan ay umalis sa lugar.

Dinala ang biktima sa Fatima Hospital, Antipolo City para sa agarang medikal na atensyon at pagkatapos ay nagsampa ng reklamo sa pulisya.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, posibleng nagawa ng suspek ang pananakit dahil sa hindi pag-renew ng kanyang kontrata sa trabaho kung saan ang biktima ang naging supervisor.

Patuloy ang paghahanap ng pulisya si alyas Cai  habang inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsampa ng mga kasong Physical Injury at Grave Threat.