November 24, 2024

Supervisor binaril dahil sa utang, todas

DEDBOL ang isang supervisor ng isang pabrika ng goma matapos pagbabarilin ng 75-anyos na retiradong factory worker dahil sa hindi umano pagbayad ng utang sa Valenzuela City.

Sa ulat ni PSSg Julius Congson, may hawak ng kaso, kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., alas-9:10 ng Huwebes ng umaga nang harangin ng suspek na si alyas “Fred” ng Brgy. Lingunan na nakasakay sa isang asul na motorsiklo ang bisikletang sinasakyan ng biktimang si alyas “Cesar” 56, ng Brgy. Panghulo, Malabon City sa kanto ng South at Central Road, Raminel Subdivision, Brgy. Veinte Reales.

Nagusap sandali ang dalawa subalit, makalipas ang ilang sandali ay pinagbabaril na ng suspek ang biktima sa dibidb, kanang braso at kaliwang balikat na nagresulta ng kanyang agarang habang mabilis namang tumakas ang suspek patungong T. Santiago St Brgy. Lingunan matapos ang insidente.

Makalipas ang ilang oras, nagtungo ang suspek kay Chairman Jose Cabral ng Brgy. Lingunan upang magpatulong na sumuko kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, dala ang ginamit na kalibre .38 revolver na may laman tatlong bala at tatlong basyo ng bala, pati na ang ginamit na motorsiklo.

Personal namang pinuntahan ni Mayor Wes, kasama sina P/Maj. Jose Hizon, Assistant Chief of Police for Operation, at P/Lt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit, ang suspek sa tanggapan ng Kabesa at dito niya inihayag na nagigipit lamang siya kaya niya sinisingil ang biktima sa matagal ng pagkakautang pero pinagsalitaan pa aniya siya ng hindi maganda kaya niya ito nabaril.

Matapos marinig ang panig ng suspek, tiniyak ni Mayor Wes na imo-monitor niya ang takbo ng usapin sa oras na maisampa sa hukuman ang mga kasong murder at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa kanya.