
BATANGAS CITY — Matagumpay na narespondehan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas kasama ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog na sumiklab sa Motor Tug na Sunjin 505 sa karagatang malapit sa Brgy. Sta. Rita, Aplaya, Batangas City, noong Miyerkules, Mayo 28, 2025, bandang 2:50 ng hapon.
Ayon sa ulat mula sa PCG-Coast Guard District Southern Tagalog, unang naitala ang insidente sa Vessel Traffic Management System (VTMS). Napag-alaman na nagsimula ang sunog sa auxiliary engine room ng nasabing barko.
Isang duty oiler na hindi pinangalanan ang nagsabing habang nagpapalit siya ng rubber impeller sa auxiliary engine, napansin niyang nasusunog ang mga wiring ng makina. Agad niya itong ipinaalam sa iba pang crew, na nagpatigil ng lahat ng gumaganang makina sa barko.
Sinubukan ng mga crew na apulahin ang apoy gamit ang CO2 fire extinguishers, ngunit dahil sa mabilis na pagkalat ng makapal na usok, nahirapan silang kontrolin ang apoy.
Tumulong din ang mga crew ng iba pang tugboats na nakakita sa insidente hanggang sa maideklara ang “fire out” bandang 4:40 ng hapon. Maswerteng walang nasaktan at ligtas na nakalabas ang lahat ng crew nang mag-abandon ship.
Kasulukuyang isinasagawa ng Maritime Casualty Investigation ang malalim na imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog. Walang naulat na oil spill sa lugar ng insidente sa kabila ng mahigit dalawang oras na pag-apula ng apoy. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA