Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga ginigiliw kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga Ka-Sampaguita. Nawa’y lagi po kayong nasa mabuti po kayong kalagayan.Muli na naman po tayong tatalakay sa mga isyu sa ating lipunan.
Sa nakalipas na mga taon, sabihin na nating sapol mula taong 2000, marami na ang naging pagbabago sa takbo ng ating kalikasan. Sa halip na pasulong, ‘e paurong. Ang problema sa kalikasan ay kaakibat ng iresponsableng kilos, pagpapasya, ugali at pangangailangan ng sangkatauhan. Batid natin, na ang lahat ng bagay sa daigdig ay magkaugnay.
Hangga’t di iniintindi at ipinagwawalang-bahala ito ng iba, lalala at lalala ang mga suliranin na ito na makakaapekto sa sangkatauhan. Sino kung gayun ang sisisihin? Ika nga sa aklat ni Isaias sa kapitulo 24:— “ tao rin ang siyang salarin”.
Batay sa aking pananaliksik, mayroong 15 pangunahing suliranin na nakakaapekto sa ating kalikasan. Kabilang na nga rito ang polusyon, global warming, over population, pagliit ng mapagkukunang likas na yaman, waste disposal, climate change, pagkaubos ng bio-diversity, deforestation, ocean acidification, pagnipis pang lalo ng ozone layer, acid rain, water pollution, urban sprawl o paglobo ng populasyon sa mga lungsod, isyung pangkalusugan at genetic engineering.
Ang mga nabanggit—hindi ba’t nararanasan sa ngayon sa buong mundo. Dapat timbangin ito ng kinauukulan, dahil isa lang dito ang lumala, damay-damay nang lahat. Kaya, huwag tayong magreklamo kung nakararanas tayo ng dis-komport.
Kasi, dahil sa kawalan ng disiplina ng iba. Kapag nagpatuloy pa ito sa susunod na 20 taon, malamang na layasan na ng mga tao ang Metro Manila dahil masyado nang congested na ito. Kapag ganun, maaapektuhan ang pamumuhay lalo na sa kabuhayan, kalusugan, at iba pa. Palagay ko, lalagpas na sa 20 milyon ang populasyon ng Kalakhang Maynila sa pagsapit ng 2025 o 2030.
Kapag ganyan, sobrang trapik na. Kapag marami ang populasyon, darami ang basura, lalala ang polusyon. Pero, wala naman tayong sinasabing masama ang maraming tao sa Maynila. Tanda ito ng kaunlaran. Pero, sa sobrang dami nga ng tao, palagay ko, magkakaroon ito ng “Sinking Feeling”.
Na sa tantiya ko, bababa ang ilang lugar dahilan upang bahain lalo ang ilang lugar kapag umuulan. Gayunman, kung sana’y ang natatamasa nating positibong pagbabago— ay matumbasan din ng positobong pagbabago sa ating Inang Kalikasan.
Dapat, pagtuunan ito ng pansin ng pamahalaan dahil may otoridad ito na pasundin at hikayatin ang taumbayan na sumunod sa mga alituntunin para sa kapakanan ng kapaligiran. Sa simpleng paraan lang ng tamang pagtatapon ng basura, malaki ang maitutulong nito upang mapaigi ang kalagayan ng ating kapaligiran.
Maging iresponsable tayong mamamayan. Dahil iisa lang ang ating daigdig. Hindi ito parang bola na kapag na-flat o nasira, pwedeng palitan. Huwag na nating hintayin pang mangyari ang gaya ng sa pelikulang “Geostorm”. Adios Amorsekos.
More Stories
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
Mga leader ng bansa dapat mahiya sa mga Pilipino, walang tigil sa bangayan!