January 22, 2025

Stress Management

SA panahon ngayon maraming stress ang nakakaapekto sa pang-araw-araw nating pamumuhay kabilang na ang pagtuturo. Sa nakaraang pandemya, naranasan ng lahat ang malaking pagbabago mula sa dating nakagawian.

Nagbago ang paraan ng pakikipagkomunikasyon sa halos lahat ng larangan na nagbunga ng limitadong pakikipag-ugnayan at paglayo sa bawat isa. Tila nasa kahon at naging de-numero ang bawat kilos kaalinsabay ng paggamit ng makabagong paraan sa pagtuturo at pag-aaral sa online.

STRESS BUNGA NG PANDEMYA

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Psychological Association na isinagawa mula Enero hanggang Disyembre 2021, 33% mga Pilipino ang nakakaranas ng matinding stress. Samantala, binubuo ng 77% Pilipino ang nakaranas na ang stress ay nakaapekto sa pisikal na kalusugan, at 73% Pilipino na ang stress ay naapektuhan ang kalusugang pangkaisipan. Gayundin, mayroong 48% sa mga nagkastress ang nagkaroon ng hirap sa pagtulog.

Sa pag-aaral naman na isinagawa ng Global Organization for Stress, 60% mga Pilipino ay nakaranas ng katamtamang antas ng stress sa nagdaang mga buwan. Sa panig ng mga mag-aaral, ito ang nangungunang isyung pangkalusugan. May 80% namang mga guro ang nakaramdam ng stress sa pagtuturo.

Ilan sa mga dahilan ng stress ay ang sumusunod: salapi, hanapbuhay, ekonomiya, responsibilidad sa pamilya, relasyon sa pamilya at mga kaibigan, usaping pangkalusugan, mga bayarin, at pansariling seguridad.

Paano masasabing stress ka na? Ito ba ay nasa isip lang? O sadyang guni-guni lang? Ano-ano ang naidudulot ng stress sa ating katawan?

ANG STRESS

Ang stress ay hindi lamang sa isip. Sa pisikal na nararamdaman ay maraming sintomas ang dulot ng stress. May mga pagkakataon na ang pagkakaroon ng anumang sakit ay dahil sa stress.

Masakit ang ulo. Mabigat ang leeg, ang balikat o ang dibdib. Nagkakaroon din minsan ng pagkabog sa dibdib o malakas ang tibok ng puso. Madaling magpawis. Nangangasim o kaya’y bumabaliktad ang sikmura. Ang kalamnan ay parang matigas na tila hindi kayang magrelaxed. Mainitin ang ulo. Madaling malito. Hindi makapagpokus sa anumang mga gawain.

SOLUSYON

Ano-ano ang maaaring gawin upang mabawasan ang mga stress na nararamdaman?

Una: Pakiramdaman ang Sarili.

Tiyakin kung ano ang narararamdaman sa mga nakaraang araw. Suriin kung ano ang nangyari sa sarili at kung bakit ito ang nararamdaman ngayon. Mayroon ka bang nakagalit? Mayroon ka bang deadline na hindi naipasa sa iyong trabaho? O kaya’y habang ika’y papunta sa iyong paaralan o opisina, mayroon bang nangyari o nakita kang nagbigay ng trauma sa iyo?

Marapat na bigyan ng pansin ang mga nararamdaman. Maging mabuti sa sarili. Alamin at pakinggan ang sinasabi ng iyong katawan. Kapag nabatid kung ano ang nagdudulot ng stress sa iyo, makakagawa ka ng mga paraan upang kahit papaano’y mabawasan ang mga nararamdaman mo.

Ikalawa: Pakalmahin ang Sarili.

Huwag kalimutang magpahinga anuman ang mga ginagawa. Matutong unawain at pagpasensiyahan ang sarili kung ang mga plano’y hindi nakagawa sa araw na nakatakda. Maging handang baguhin ang mga plano, upang hindi ma-stress.

Makakatulong din upang makapagrelax ay ang meditation. Ito ang pagbibigay ng oras sa sarili na walang gagawin kundi ang pakiramdaman ang sarili upang makapagrelax. Makakatulong din ang pagpapamasahe, pagligo ng maligamgam, pag-inom ng chamomile tea, o ang aroma therapy. Uso ngayon ang mga essential oils na maaaring langhapin upang makapagrelax.

Ikatlo: Makipag-usap.

Mainam din ang magkaroon ng tapat na kaibigan o pamilyang makakausap upang hingahan ng mga problema.

MGA PAYO

Nagiging mataas ang panganib sa pagkakaroon ng mga sakit gaya ng depression, anxiety, diabetis, sakit sa puso, kung ang mga nararamdaman sa tuwing stressed ay hindi maagapan.

Mas lalong mabilis tumanda kung parati na lang tayong stressed.

Ang stress ay hindi lamang nasa isipan natin. Ito ay nagkakaroon ng mga pisikal na sintomas. Bahagi na ng buhay ang stress. Lahat tayo ay nagkakaroon nito. Ang marapat lamang nating  gawin ay ang pagkontrol sa ating reaksiyon sa stress. Kagaya ng mga nabanggit, batid natin ang ating sarili kung tayo ay naiistress na.

Magkaroon tayo ng kamalayan sa mga sintomas ng stress upang maiwasan pa ang ibang mga sakit.

Huwag mag-atubiling sumangguni sa mga manggagamot kung ang stress na nararamdaman ay kinokontrol na ang iyong mga gawain sa araw-araw.