December 23, 2024

Streetsweeper na bading binoga ng sekyu (‘Di nagkasundo sa presyo sa sex)

ARESTADO ang isang security guard na pumatay sa bading na streetsweeper sa Valenzuela City nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., ang naarestong suspek na si alyas “Tanieca”, 25, na mahaharap sa kasong robbery with homicide.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura, nangyari ang insidente ng pamamaril sa biktimang si alyas “Glemor”, 41, ng Ilang-Ilang St. Brgy. Maysan nitong Linggo ng gabi, Abril 7, sa Bypass Road, Brgy. Veinte Reales.

Batay sa pahayag ng testigong si alyas “Sarmeo”, 48, kay P/Cpt Armando Delima, hepe ng Investigation Unit, nagkita sila ng biktima sa lugar para mang “hala” ng lalaki nang dumating ang suspek dakong alas-10 ng gabi na kaagad niyang inalok na makipag-sex subalit hindi umano sila nagkasundo sa presyo.

Ang biktima naman aniya ang kumausap kay Tanieca at bahagya silang lumayo habang nag-uusap pero ilang minuto lang ay binaril na ng suspek ang kanyang kasama bago tumakas, tangay ang bisikleta at cellphone ng nasawi.

Isinugod naman ang biktima sa Valenzuela Medical Center subalit, idineklara siyang dead-on-arrival.

Sa tulong naman ng mga kuha ng CCTV camera at pakikipagtulungan ng kasamahang security guard ng suspek ay natimbog ng mga tauhan ni Col. Destura si Tanieca dakong alas-2 ng hapon sa Seminary Road, Project 8, Quezon City.

Positibong kinilala ni Sarmeo ang suspek habang nabawi rin ng pulisya sa kanya ang tinangay na bisikleta at mobile phone ng biktima na may kabuuang halagang P15,500, pati na ang kalibre .38 revolver na may karga pang apat na bala na ginamit niya sa pamamaril.