December 26, 2024

STATE OF CALAMITY, TATAGAL PA NG 3 BUWAN

AMINADO ang Palasyo na posibleng tumagal pa ng tatlong buwan ang state of calamity sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Press Secretary Trixie Angeles, na ang natitirang mga buwan ay gagamitin para sa indemnification, emergency procurement at special risk allowance para sa health care workers.

“The state of calamity is extended for possibly three months but only for the purpose of preserving the benefits under it such as but not limited to the indemnification, emergency procurement, special risk allowance for healthcare workers,” saad ni Angeles sa Palace briefing.

Magkakaroon din ng “ample latitude” ang national at local government sa pagpapatuloy ng vaccination program at pinahihintulutan din dito ang paggamit ng kaukulang pondo, kabilang na ang Quick Response Fund.

Unang pinairal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa bansa dahil sa panimula ng pandemya noong Marso 2020 at pinalawig hanggang Setyembre 12, 2022.