
PASAY CITY, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong kidnapping at pambubugbog sa isa ring Koreano limang taon na ang nakalilipas.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan bilang si Jang Seongwoong, 47 taong gulang, na nadakip noong Mayo 22 sa Pasay City ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng ahensya.
Ayon kay Viado, si Jang ay matagal nang kabilang sa listahan ng mga wanted ng BI mula pa noong 2021, matapos siyang ideklarang undesirable alien at ipag-utos ang kanyang deportasyon ng Board of Commissioners.
“Inaresto siya batay sa isang warrant of deportation na inilabas kasunod ng nasabing utos. Siya rin ay isinama sa blacklist ng BI, na nangangahulugang habambuhay na siyang ipinagbabawal na makabalik sa bansa,” pahayag ni Viado.
Batay sa tala ng BI, si Jang ay pumasok sa bansa bilang turista noong Mayo 1, 2017 at mula noon ay hindi na umalis, dahilan upang ituring siyang overstaying alien.
Ayon kay BI-FSU Acting Chief Rendel Ryan Sy, si Jang ay may Interpol Red Notice na inilabas noong Hulyo 2019, at mayroon ding warrant of arrest mula sa Daegu District Court sa South Korea dahil sa kasong serious physical injury at kidnapping.
Batay sa ulat ng mga awtoridad sa Korea, si Jang at ang kanyang mga kasamahan ay di-umanong dinukot at marahas na binugbog ang kanilang biktima, na may pagkakautang sa pagsusugal. Gumamit umano sila ng baseball bat, na nagdulot ng matinding pinsala sa katawan ng biktima.
Sa ngayon, si Jang ay nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon pabalik ng South Korea. Tiniyak ng BI na mananatili itong mahigpit sa pagtugis sa mga dayuhang may kasong kriminal, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan para sa siguridad at kaayusan sa bansa.
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA