January 25, 2025

SOLO PARENTS’ WELFARE ACT, GANAP NG BATAS (Tagumpay natin ito – Hontiveros)

MASAYA si Senator Risa Hontiveros matapos tuluyang maging batas ang Expanded Solo Parents Welfare Act, kung saan tinawag niya itong tagumpay para sa milyong-milyong solo parents sa buong bansa.

“I am elated that the Expanded Solo Parents Welfare Act has been passed into law. I share this victory with the millions of solo parents in our country. Sa mga kapwa ko solo parents, tagumpay natin ito,” saad ng senador.

“Bilang isang solo mom ng apat na anak, pinersonal ko talaga ang pagtulak na magkaroon ng karagdagang benepisyo ang mga solo parents. I’m intimately familiar with the feeling of not being sure how to pay for my children’s tuition, not knowing who can accompany me if one of them gets sick,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng bagong batas, pinalawig ang mga prebilihiyo at benepisyo sa mga solo parent gaya ng dagdag na work leave, scholarship at cash subsidy.

Mayroong dagdag na pitong araw na parental leave ang solo parent mula sa regular na 15 na bakasyon basta mayroon na itong anim na buwan sa trabaho.

Gayonman, ang pitong araw na parental leave ay mapo-forfeit kapag hindi ito nagamit sa loob ng isang taon.

Makakatanggap naman ng full scholarship mula sa Department of Education (DepEd) o kaya sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isa sa mga anak ng solo parent na may edad 22 pababa na nakadepende pa sa kanya.

“Dahil sa K-12 system, isang naisali din sa batas ay ang karapatan ng mga solo parents na makatanggap ng benepisyo hanggang tumuntong ang ating mga anak ng 22 years old,” ayon kay Hontiveros.

Ang mga solo parents mismo na nakapanayam namin ang nag-rekomenda ng probisyong ito,” saad niya.

Makakatanggap din ng P1,000 cash subsidy kada buwan ang isang solo parent na wala pa sa minimum wage ang kinikita, basta hindi kasali o benepisyaryo ng ano mang cash assistance program ng gobyerno, maliban kung senior citizen ito.

Para naman sa solo parents na kumikita ng P250,000 kada taon, bibigyan ito ng 10% at exempted sa Value Added tax sa mga gamit ng anak gaya ng gatas, diapers, gamot, medical supplies, pagkain at supplements mula pagkasilang hanggang anim na taon.

Binibigyan din ng proteksiyon sa ilalim ng bagong batas ang solo parents laban sa diskriminasyon at awtomatikong mapapabilang sa health insurance program ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).


“As a senator of the 18th Congress, I had never felt such a strong grassroots, on-the-ground push for a bill to become law. Noong panahon ng kampanya, ipinangako nating maipapasa natin ito. As promised, we have delivered. Our hard work has paid off,” sambit ng Hontiveros. Ang solo parent, batay sa depinisyon ng batas ay nagsosolong bumubuhay sa anak, o nagkaanak dahil sa rape, namatayan ng asawa o nakulong ang asawa, hiniwalayan o inabandona.