‘TO THE RESCUE’ si Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa mga ‘solo parent’ na mga magulang na aniya ay tila hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan.
Ayon kay Herrera, marami pang kailangang punan ang gobyerno upang matulungan ang mga solo breadwinner, legal guardian, at caregiver.
“Napapanahon nang kilalanin din ang mga solo parent sa pamamagitan ng mas aktibong representasyon at pagtugon sa kanilang mga hinanaing na pansinin din sana at mabiyayaan ng mga programa ng gobyerno,” binigyang-diin ng mambabatas sa isang press conference na ginanap kamakailan.
Binanggit ni Herrera ang adhikain ng Bagong Henerasyon Partylist na “Iangat ang Lahat ng Pamilya” na siya aniyang sumisimbolo sa mas pinaigting na pagkilala sa mga pangangailangan ng mga “soloista” at kanilang pamilya.
“Naniniwala po ako na hindi tayo lumalayo sa ating adhikain na pagyamanin ang susunod na henerasyon ng mga pamilya sa Filipinas. Ang mga programang nakabase sa hangaring magpaabot ng tulong sa mga solo-parent family ay mga progresibong hakbang tungo sa pag-unlad ng lipunan,” dagdag ni Herrera.
Ibinahagi ng kongresista ang isang pag-aaral na nagsasabing mahigit 15 milyon na ang naitalang solo parents sa bansa, at 95% dito ay mga babae.
Dagdag ni Herrera, karaniwan sa mga soloista ay hirap makakuha ng benepisyong nakasaad sa Solo Parent Act, kabilang na rito ang pagkuha ng mismong Solo Parent ID.
May mga establisimiyento rin, umano, ang hindi tumatanggap o nagbibigay ng kaukulang diskuwento o benepisyo sa mga Solo Parent ID holders.
“Kapansin-pansin na kapos pa rin ang mga kaalaman at guidelines sa mga serbisyo at benepisyo na natatanggap ng ating mga solo parents,” saad ni Herrera, sabay dugtong: “May kasabihan po tayo: those who have less in life, should have more in law. Pero bakit parang napag-iiwanan sila sa batas?”
Agad nagpaabot ng pakikiisa ang mga personalidad na sina Robert Nazal, Presidente ng YSA Skin Care Clinic, at Rodolfo Medina Jr., Chief Executive Officer ng Medical Depot, na nangakong magbibigay ng diskuwento sa lahat ng solo parent.
Ayon kay Nazal, magbibigay sila ng 10% discount sa lahat ng tanggapan ng YSA Skin Care Clinics, “Bilang pagkilala at suporta sa mga soloista sa ating komunidad, nais naming iparating sa kanila na may mga nagmamalasakit sa kanila.”
Samantala, nangako rin ang Medical Depot Bambang na magpapaabot ng parehong suporta, “hangad naming maging instrumento ng kagalingan at kaginhawaan, kaya masaya kami na ibahagi ito sa mga soloista.”
Nagpasalamat si Herrera sa malugod na pagtugon sa adbokasiya ng Solon ng Soloista, “ipakita po natin sa ating mga soloista na may back-up na sila,” giit ni Herrera.
More Stories
BILANG NG KASO NG DENGUE SA NCR LUMOBO
LGUs, TV stations, Simbahang Katoliko pinagkakatiwalaang sektor sa ‘Pinas
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO