October 31, 2024

SOLGEN MAGHAHAIN NG POSISYON NG PILIPINAS PATUNGKOL SA UTOS NG ICC

NILIWANAG ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi susunod ang Pilipinas sa kautusan ng International Criminal Court na magpaliwanag sa isyu ng sinasabing extra judicial killings o EJK .

Ayon sa kalihim walang balak ang Pilipinas na tumugon sa ICC lalo na at hindi na kasapi ng Rome Statute ang bansa.

Sa lingguhang forum na Kapihan sa Manila Bay, nabatid kay Remulla na may ihahaing pahayag si Solicitor General Menardo Guevarra sa ICC hinggil sa naturang isyu.

Ang liham aniya na kanilang ipapadala sa ICC ay hindi  pagtalima sa kautusan kundi  paglilinaw na wala na sa ilalim ng kapangyarihan   ng ICC ang Pilipinas dahil umalis na ito sa pagiging kasapi  ng Rome Statute.

Magsisilbi aniyang paalala sa ICC na hindi na nito saklaw ang Pilipinas lalo na at gumagana ang mga korte at sistema ng hustisya  sa bansa. Ang Pilipinas ay binigyan ng deadline  ng ICC na hanggang Setyembre 8 upang magpaliwanag sa usapin ng mga sinasabing paglabag sa karapatang pantao nang nakaraang Duterte administration.