December 25, 2024

SOIL TESTING SA INTEGRATED TOLL EXPRESSWAY NG SMC, GINAGAWA NA SA NAVOTAS

MASAYANG ibinalita ni Mayor Toby Tiangco na kasalukuyan nang ginagawa sa kahabaan ng R-10 sa Navotas City ang soil testing para sa integrated toll expressway ng San Miguel Corporation papunta sa New Manila International Airport sa Bulacan.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang expressway na ito ang sinasabi niya at ng kanyang kapatid na si Cong. John Rey Tiangco dati na dadaan sa Navotas Coastal Development at magsisilbing direct link at rapid transit papunta at pabalik sa airport.

“Maraming oportunidad para sa mga Navoteño ang hatid ng expressway na ito. Sa inyong tuloy-tuloy na pakikiisa at suporta, sigurado ang pag-angat ng buhay sa Navotas,” pahayag ni Mayor Tiangco.

Sinabi pa ng alkalde, ang proyektong ito ay matagal nilang pinagplanuhan ni Cong. Tiangco, kasama ang SMC na magtatampok ng pinakamalaking Pabahay para sa mga Navoteno.

Dagdag niya, sa itatayong expressway ng SMC ay maaari itong tayuan ng 3,480 units ng pabahay para sa mga Navoteno at kagandahan aniya ay walang gagastusin dito ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas.
“Pabahay at progreso sa mga Navoteno, yan ang ating patuloy na pagsusumikapan, para sa inyo mga kababayan ko!” ani alkalde ng lungsod.