Sa kasalukuyan, umiinit na ang pulitika sa ating paligid maging sa tradisyonal at lalo na sa social media na nagiging masyadong toxic. Ang nangungunang kandidato sa pagka-pangulo na si dating Senador Bongbong Marcos ay nasa gitna ng bagyo at patuloy na ginigiba.
Normal lang ito dahil sa humigit kumulang na 3 buwan ay eleksyon na. Sa isinagawang survey ng Pulse Asia, nangunguna si BBM na nakakuha ng 60% habang pumapangalawa naman si VP Leni na may 16%. Tabla naman sina Mayor Isko Moreno at Sen. Manny Pacquiao na may parehong 8%. May 4% naman si Senador Ping Lacson at panghuli si Ka Leody de Guzman.
Mahalaga sa mga ibang kandidato na dali-daling mabawasan ang lamang sa polls ni Marcos Jr. Isa sa mga weaponized na isyu ay ang patungkol sa ruling ng Comelec na ibasura ang DQ case laban sa kanya.
Noong isang araw sa pangunguna ng ponente na si Comelec Commissioner Aimee Feralino, sa isang 2-0 desisyon pinawalang bisa ang DQ case laban kay Marcos. Para sa kanila, hindi daw likas na bawal sa batas at nakaligtaan lang ni Marcos Jr. ang pag-file ng buwis.
Ngunit sa pangunguna ni dating Commissioner Rowena Guanzon, binatikos ng mga anti-Marcos ang nasabing ruling na tinawag niyang lubhang atrocious at mababaw daw. Minaliit nila ang ruling at wala raw saysay at halaga. Naniniwala sila na may mag-aakyat nito sa Korte Suprema na hindi malayong i-disqualify daw si BBM. Ang ibig sabihin ay kung maglalabas ang desisyon matapos maiproklama si BBM, mapapalitan ito ng VP na malamang ay si Mayor Sara Duterte na nangunguna rin sa Pulse Asia survey.
Ayon din kay Guanzon na ang magandang alternatibo paraan para kay Marcos Jr. ay umatras na lang bilang kandidato at mag pa-substitute na lamang sa kanyang kabiyak na si Atty. Liza Araneta Marcos o sa kapatid na si Senadora Imee Marcos.
Kaso nga lang marahil ay mas mainam na si Imee na lang daw ang patakbuhin, ayon sa mga solid North Ilocano supporters ni BBM. Alam nating lahat na tulad ng Bikolano, super solid ang voting bloc ng mga Ilocano. Si Atty. Liza ay Ilongga at galing sa angkan ng mga prominenteng Araneta. Siya ay propesora ng Law at senior partner ng MOST (Marcos, Ochoa, Serapio and Tan) – mahiyain siya at kailanman ay hindi pa lumahok sa pulitika.
Bilang campaign consultant mula pa ng 1995 marami na akong namasid at naranasang kampanya – lokal man o nasyonal.
Sa aking palagay, kahit may punto rin naman ang mga nasaad ng posisyon ng dating komisyoner Guanzon sa DQ case ni BBM mayroon din namang mga kontra argumento na nagpapabalido sa posisyon ng mayorya. Sinasangalan ko ang posisyon ng dating senador, Juan Ponce Enrile na naniniwala na may amyenda raw sa batas ukol sa pagbabayad ng buwis na pwedeng maging dahilan sa pagwawalang bisa na ng argumento laban kay BBM. Pero ang usaping ito ay may mas malawak na dimensyon. Pero bakit kaya masyadong malakas ang pagtitiwala at suporta ng mga kababayan natin kay BBM?
Palagay kong pinakamatibay na dahilan kaya nagkaganito ay mula nang pinatalsik ng taongbayan si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986, 36 na taon ng nakakalipas ay walang ginhawa o asenso man lang ang naranasan ng taumbayan, lalong-lalo na ang masa. Ilang administrasyon – mula pa kay Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino at Duterte – ang nagpalit-palit ngunit walang progreso tayong naranasan. Sa larangan ng economic development naiwan na tayo ng ating mga karatig bansa sa ASEAN kung saan tayo dati ang nangunguna noong itinatag ito noong 1967.
Itong masaklap na kapalarang ito ang bumuhay uli sa pangalan ng mga Marcos sa kabila ng kanilang mga naturang kasalanan sa bayan. Sa kabila nito ay hinalal sila sa iba’t ibang pwestong matataas sa pamahalaan. Si dating First Lady ay hinalal paulit-ulit bilang congresswoman ng Leyte at Ilocos Norte. Si Imee ay hinalal bilang congresswoman, gobernador at senador at si BBM ay naging congressman, gobernador, senador at muntik ng maging bise-presidente. Ang mga pagluklok ng tao sa mga Marcos sa kapangyarihan noong mga nagdaang dekada ay tila bagang nagsisilbing rehabilitasyon at pagtanggap sa kanila.
Naaalala ko ang patotoo ng isang matandang loyalist noong nangangampanya si BBM bilang senador taong 2010 na mabuti pa raw noong panahon ng martial law kumakain sila ng 3 beses sa isang araw ngunit ngayon daw ay madalas silang sumala at minsan ay 2 beses na lang silang kumakain.
Ito ang marahil dapat intindihin ng mga katunggali ni BBM na sa kabila ng paglabag sa karapatang pantao at malawak na pandarambong noong martial law hindi rin sila nakaranas ng kahit konting ginhawa mula nang pinatalsik ang diktador bagkos lalo silang naghirap sa 36 na taon sa ilalim ng diumanoy demokrasya mula 1986 hanggang sakasalukuyan.
Sa palagay ko rin na kung sakaling nagtamo tayo ng pag-asenso at kasaganahan mula ng 1986 ay magiging balewala at walang saysay na ang mga Marcos sa ating pambansang pulitika.
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!