November 24, 2024

SMC nakatipid ng 27 bilyong litro ng tubig sa loob ng 5 taon

Sa gitna ng pandemic disruptions,  pinapabilis ng San Miguel Corporation ang mga pagsisikap upang mabawasan nito ang group-wide water consumption ng 50% pagsapit ng 2025 matapos nitong iniulat na nakatipid ang kumpanya ng kabuuang 27.4 bilyong litro ng tubig hanggang sa kasalakuyan mula nang ilunsad ang water stewardship initiative nito na “Water For All” noong 2017.

“Water is a valuable resource not just for San Miguel, but for all of us. We have not stopped working on improving water use efficiency across all our businesses as we all continue to face water scarcity challenges,” wika ni SMC President and CEO Ramon S. Ang.


Idinagdag ni Ang na ang 2021 reduction ng 4.54 bilyong litro ay kumakatawan sa 18.40% cut sa paggamit ng tubig ng kumpanya laban sa 2016 baseline, bahagyang mas mainam kaysa sa 18.09% na naitala nito noong 2019, at makabuluhang mas mataas kaysa sa 13% reduction na naitala nito noong 2020.

Upang bawasan ang pagkuha mula sa mga pinagmumulan ng tubig, ang SMC ay gumagamit ng ilang mga pamamaraan, kabilang ang paggamit ng tubig sa dagat, pag-recycle ng tubig, at paggamit ng tubig-ulan, para sa mga cooling machine, paglilinis, at iba pang utility, non-product water usage.

Ipinag-utos ng SMC na ang lahat ng bagong itinayong pasilidad ay lagyan ng rainwater collection systems.  Dahil sa mga pagkagambala at pagbabagong dulot ng pandemya nitong huling dalawang taon, sinabi ni Ang na patuloy na sinusuri ng kumpanya kung paano nito mapapahusay na maaabot ang layunin nito sa 2025.

Bukod sa pagbawas sa sarili nitong paggamit ng tubig, naging kampeon din ang kumpanya sa paglilinis ng mga pangunahing ilog at baybaying lugar at pagtanggal sa mga ito ng solid waste pollution.