DIREKTANG iniugnay ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia ang Smartmatic ang nasa likod ng demolition job laban sa kanya.
Sa isang press conference ngayong araw, unang nilinaw ng poll body chief na wala siyang foreign bank accounts at peke ang mga ito taliwas sa mga ibinabatong akusasyon laban sa kaniya.
Ayon din kay Garcia, mayroong foreign entity ang nagtatangkang mangialam sa halalan sa Pilipinas matapos madiskubre ang mga kompaniyang nasa likod ng nagpapatuloy na demolition job.
Natukoy aniya ang kompaniyang nakabase sa Amerika na umano’y nagbukas ng bank account sa ilalim ng kaniyang pangalan para suportahan ang akusasyong mayroon siyang offshore bank accounts na pinagtaguan umano ng suhol na pera.
Sinabi ni Garcia na nadiskubre ng kaniyang team ang may-ari ng Jaleo Consulting na nakabase sa Miami, Florida
Sa iprinisenta ng opisyal sa mga kawani ng media na “white paper” o mga dokumento, nagpapakitang nagsagawa ng mga deposito ang isang Jaleo Consulting LLC na pagmamay-ari ng isang Jose A. Herrera sa umano’y offshore bank accounts ni Garcia sa Cayman Islands na nauna ng sinabi ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na nakatanggap umano ng pera mula sa mga bangko sa South Korea, ang bansa kung saan nakabase ang Miru Systems na nakakuha ng bilyong kontrata para sa pagbili ng mga voting counting machines at iba pa na gagamitin para sa 2025 midterm elections ng PH.
Ayon sa poll body chief sa ginawang pagsusuri sa pagkakakilanlan ni Herrera, lumabas na ito ay isang direktor ng Albatross Technologies Corporation na may parehong address ng Smartmatic sa Barbados.
Saad pa ng opisyal na nagsilbing legal counsel ng Smartmatic si Herrera at biyenan ng isa sa founder at may-ari ng naturang service provider. Dito na kinuwestyon ng poll body chief kung ito ba ay nagkataon lamang na magkapareho ang address.
Sa panig naman ng Smartmatic, itinanggi nito ang mga akusasyon sa kanila ni Garcia at sinabing hindi sangkot o hindi sila ang nasa likod ng anumang mga claim ng poll body chief. Sinabi din ng kompaniya na ang nasabing mga akusasyon ay hindi patas at hindi makatarungan.
Samantala, inihayag din ng poll body chief na nagpadala na siya ng sulat sa US Department of Justice para hilingin na maglunsad ng imbestigasyon sa insidente.
Nananawagan na din si Garcia sa Kongreso at kay PBBM para tumulong sa pagtugon sa umano’y foreign intervention.
Inihayag din ni Garcia na ito na ang huling pagkakataon na magsasalita siya kaugnay sa mga akusasyon laban sa kaniya at sa komisyon para matutukan ang paghahanda para sa pagdaraos ng halalan sa susunod na taon.
More Stories
HAMON NI DUTERTE SA ICC INVESTIGATORS: BILISAN N’YO BAGO AKO MAMATAY
Reward money sa pulis, kinumpirma ni Digong
DUTERTE SASAMPALIN SI TRILLANES SA HARAP NG PUBLIKO (Nagkainitan sa House quad committee probe)