November 5, 2024

SITSIRYA  AT MATATAMIS NA INUMIN IBAWAL SA SCHOOL – LITO LAPID (Para ‘di mangamote estudyante)

SAKALING maisabatas, ipagbabawal na ang pagbebenta ng junk foods at lahat ng uri ng matatamis na inumin tulad ng powdered juice at softdrinks sa public schools sa buong bansa upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan, ayon kay Senador Lito Lapid.

Sa pahayag, sinabi ni Lapid na layunin ng panukalang Senate Bill No. 1231 na mapigilan ang lumalalang problema ng bata sa obesity at insidente ng malnutrisyon sa Filipino sanhi ng junk foods at sugary drinks.

“In line with the worsening problems of child obesity and incidence of malnutrition among Filipinos, I filed a measure seeking to establish a healthy food and beverage program for all public elementary and secondary schools and learning institutions, to promote healthy diet and positive eating environments to all learners and teaching and non-teaching personnel,” ayon kay Lapid.

Kikilalanin ang panukala bilang Healthy Food and Beverage in Public Schools Act dahil malaking papel ang ginagampanan sa pagtuturo at cognitive development base sa ilang pag-aaral na nagpapakita na nahihirapan ang bata na matuto kapag hindi ito nakakakuha ng sapat na nutrients kaya bumabagsak ang academic test scores, malala pa nito, humihinto sa pag-aaral.

“Maraming mga pag-aaral na ang nagpapakita na ang mga estudyanteng na hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon ay nahihirapang mag-pokus at matuto, na kadalasan ay humahantong sa mababang mga marka, o ‘di kaya naman, ay may posibilidad na huminto sa pag-aaral. Kung atin pong titiyakin na mayroong sapat akses ang mga mag-aaral sa mga pagkain na may mataas sa nutritional value, ay masisiguro natin na maitataas natin hindi lamang ang antas ng kalusugan ng mga mag-aaral, kundi pati na rin ang kanilang performance sa eskwelahan,” ayon kay Lapid.

Ayon kay Lapid, layunin ng panukala na lumikha ng isang Healthy Food and Beverage Program na ipagbabawal ang pagbebena, distribusyon at promosyon ng junk food at sugary drinks sa loob at mahigit 100 metrong perimeter sa lahat ng public educational institution.

“Itong ating isinusulong na programa ay hindi lamang naglalayong bawasan ang mga kaso ng obesity at malnutrisyon sa ating bansa at mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mag-aaral, ito rin ay naglalayong bumuo ng magagandang mga gawi o habit na madadala nila sa kanilang pagtanda,” dagdag ni Lapid.