December 26, 2024

SINUNGALING NA 11 CHINESE NATIONALS, ‘DI PINAPASOK NG PILIPINAS

NAPIGILAN ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok ng 11 People’s Republic of China (PORC) nationals sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagsisinungaling kung anong totoong sadya nila rito sa Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naharang ang nasabing mga pasahero noong nakaraang Huwebes nang dumating sa NAIA terminal 1 lulan ng China Souther Airlines flight galing Guangzhou.

Ayon kay Morente, hindi pinapasok ang mga nasabing mga dayuhan, na may hawak na entry exemption documents at temporary visitor visas, matapos silang ilagay sa ikalawang inspeksyon ng mga miyembro ng travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI, matapos silang i-refer ng primary inspector para sa karagdagang pagsururi.

Sa dokumentong kanilang ipinakita, sinasabing naimbitihan umano sila sa bansa ng dalawang telecommunication companies upang dumalo sa conference.

“Their testimonies during the interview, however, were highly inconsistent with the supposed purpose of their trip,” ani ni Morente.

Dagdag pa niya, na nabigo ang 11 dayuhan na magpakita ng sapat na katibayan o mga dokumento na magpapatunay sa kanilang sinasabi na imbitado nga sila sa isang business conference sa Maynila.

“They claimed to be employed as engineers in China, but when asked by Immigration Officers Lazaro and Laxamana about basic details about their profession as well as their alleged conference, they could not provide any,” ibinahagi pa ni Morente.

Ang nasabing 11 pasahero ay agad pababalikin sa China at ilalagay sa immigration blacklist.

Dahil sa insidenteng ito, muling iginiit ni Morente ang kanyang babala sa mga alien na sila’y pababalikin sa airport kung magsisinungaling kaugnay sa kanilang totoong mungkahi o intensiyon sa pag-travel sa ating bansa.

Saad pa niya, kahit may hawak na valid visa at entry exemption ang isang alien ay hindi pa rin garantiya na makapapasok sila sa bansa bilang pasahero dahil sasailalim pa rin ito sa mahigpit na inspeksyon ng immigration pagdating sa Pilipinas.