January 11, 2025

SINOVAC BA ANG KAPALIT SA JULIAN FELIPE REEF?

Halatang-halata naman na pinagloloko lang si Pang. Digong Duterte ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa palusot nito na masama raw ang panahon sa Julian Felipe reef noong Marso 7, kaya nagkanlong doon ang may 220 militia vessels ng China.

Sa pagsasaliksik po ng inyong lingkod mga Ka-Agila, mainit ang panahon at walang bagyo o masamang panahon sa Julian Felipe reef noong petsang iyon, kaya nakakagigil ang panggogoyo ni Amb. Huang sa mga Pinoy.

Ang nakakagulat pa nito, tinanggap na ni Pangulong Duterte ang paliwanag ni Amb. Huang na hindi man lang inalam ng mga ‘tsutsuwarewap’ sa Palasyo ng Malakanyang ang kundisyon ng panahon sa West Philippine Sea noong March 7.

Mr. Ambassador, ganyan din ang palusot ng China noong sitahin ng Pilipinas at ibang claimant countries ang itinayong mga make-shift shelter o mga kubo sa ilang isla sa Kalayaan group of Islands noong dekada ‘90.

Pero makalipas ang ilang taon, inangkin na ang mga ito ng China sa paglalabas ng nine-dash line map na umanoy sumasakop sa kabuuang teritoryo ng South China Sea.

Kaya kung ganito kalamya at hindi man lang kinanti ng Pangulo ang China sa ginawang pananakop sa ating mga isla, reefs o bahura, darating ang panahon mga Ka-Agila na magiging probinsya o teritoryo na ng China ang Pilipinas. PUSTAHAN TAYO!

Nababahala po, mga Ka-Agila, ang mga bansang Canada, New Zealand, Australia, Amerika at Vietnam sa nasabing presensya ng higit 200 militia vessels sa Julian Felipe reef dahil pinainit lang lalo ng China ang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Phil. Sea.

Ayon kay Canadian Amb. Peter MacArthur, tinututulan ng kanilang gobyerno ang nasabing aksyon ng China sa South China Sea, lalo na sa teritoryong saklaw ng Pilipinas na nagpataas pa ng tensyon at binalewala ang katatagan sa rehiyon at ang rules-based international order.

Kung may natitira pa sanang tapang at malasakit sa puso ni Pres. Duterte, dapat ipakita naman n’ya sa China na hindi tayo dapat maging bulag, pipi at bingi sa kanilang pagsasamantala sa panahon ng pandemya.

Mistula na ba tayong naibenta ng Duterte administration sa China? Kapalit ng donasyong 1.5 milyong doses ng Sinovac, nakasanla na ba sa kanila ang Julian Felipe reef? Dahil hanggang sinusulat ko ang kolum na ito ay nananatili pa rin doon ang militia vessels ng China.

Nakakabahala po ang pahayag ni Prof. Jay Batongbacal, UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na alam ng China na hindi naman kikibo si Pang. Duterte sa pag-okupa sa Julia Felipe reef dahil sa mga pabor na ibinibigay nila sa Pilipinas, gaya ng donasyong bakuna at pagpapatayo ng mga infrastructure projects na pinopondohan ng Beijing government.

Paniwala naman ni Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na dapat nang bumalik ang Pilipinas sa United Nations arbitral tribunal para matuldukan ang pambu-bully ng China sa maliliit na bansa.

Nanawagan ang isang Ocean conservation group sa pamahalaang Duterte na tugunan at protektahan ang natitirang maritime resources ng Pilipinas sa nasabing teritoryo na napakalapit lang sa Batarasa, Palawan.

Para kay Atty. Gloria Estenzo-Ramos, Vice-President ng Oceana Philippines, dapat kumilos ang  Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para protektahanang mga yamang dagat sa Julian Felipe reef.

“The constitution makes the state the duty-bearer in protecting our marine wealth. The government, specifically our law enforcement agencies, the Department of Environment and Natural Resources, and the Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources have the duty to protect our ocean, the important marine habitats and ecosystem to ensure we are able to sustainably manage our fisheries and marine resources and ensure that livelihoods of our fisherfolks are not put at risk. There is a big penalty for illegal fishers including poachers in our waters and the question is: are we implementing our law, without fear or favor?” paliwanag ni Atty. Ramos.

Kasabay ng pananatili ng militia vessels sa Julian Felipe reef, namataan din ang bagong konstruksyon ng China sa Subi reef na inaangkin din ng Pilipinas. Mga ka-Agila, wag po tayong magpaloko sa China na itinuturing na kaibigan ng Pangulo dahil malinaw naman sa mga ebidensya ang pananatili nila sa Julian Felipe reef ay pagbabantay na at posibleng tayuan na rin ng mga istruktura sa pagdating ng panahon.