February 10, 2025

Sino ba ang dapat iboto?

Hindi nagkamali si dating Vice President Leni Robredo na suportahan si dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza.

Ayon sa ale, sigurado na ang kanyang boto kay Heidi para sa paparating na Senate elections. Boom!

Kahit ang inyong lingkod ay siguradong iboboto si Mendoza.

Bakit kanyo?

Para mawala na ‘yung mga politikong ang alam lamang ay magpayaman sa puwesto. Hindi natin kailangan ng artista at komedyante sa Senado. Susme naman! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan!  Dapat naman talaga tayong maghalal ng karapat-dapat para sa kinabukasan ng ating bansa. ‘Yung totoong may malasakit at hindi ganid.

Isa pa, kaya si Heidi Mendoza ang napipisil kong iboto sa darating na eleksyon, para may sisilip sa mga mambabubutas este mambabatas hinggil sa pagpasa ng national budget na ginagawa nilang gatasan. Mawala na yung pasingit na pondo at pork barrel.

Kasama rin sa listahan ko na aking iboboto ay si dating Sen. Ping Lacson sapagkat kailangan natin ng matapang at maasahan na Senador. ‘Yung hindi puwedeng hawakan sa leeg para maging puppet sa Senado. Marami na rin siyang nagawang batas na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng maraming Filipino.

Siyempre, hindi rin mawawala sa ating listahan si dating Senate President Tito Sotto na walang bahid ng korapsyon. Marami rin siyang nagawang batas.

Maganda rin kung magkakaroon ng isang Atty. Vic Rodriguez sa Senado dahil maraming alam sa batas ang mamang ito. Hindi rin siya magiging tau-tauhan sa Senado. Sabi niya sa isang panayam, isusulong niya ang pagpataw ng parusang kamatayan sa mga kurakot sa gobyerno. Pero ang tanong maging batas naman kaya ito? Tiyak maraming tututol na mambabatas kasi baka sila ang masampulan. Araykupo!

Kaya para sa mga kababayan ko, kilatisin ninyo muna ang inyong iboboto. Hindi porket sikat ay iboboto ninyo na lang basta-basta. Huwag na tayong magpa-budol.


____________________________________

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa CP09999861197 o mag-email sa [email protected].