HIGIT isang dekadang naglingkod sa bayan bilang national athlete sa larangan ng billiards.
Si Iris Rañola na isa sa pambato ng Pilipinas sa larangan ay nakapag-ambag na rin ng mga karangalan sa kanyang pakikipagtunggali sa international competitions tulad ng Southeast Asian Games.
Isa rin siyang masunuring atleta sa kanyang mga superyor sa NSA na BSCP.
Walang reklamo sa training, walang absent at walang attitude problem.
Dedicated national player at ang laging motibasyon ay manalo ng medalya para sa bansa.
May ups and downs din sa kanyang performance kaya kahit na kampeon siya ay game siyang lumahok sa mga qualifying tournament upang patunayang kaya niyang magwagi sa international games at deserving pa sa kanyang slot sa national team.
Kaya sobrang sama ng kanyang loob nang karaka-raka ay tinanggal siya sa roster ng pambansang koponan kasama ang anim pang national pool players nang ganun na lang at sinabing magkakaroon ng pagbabago.
Sinibak siya atbp. ng pamunuan ng BSCP sa panahong narito na ang PANDEMYA.
Magmula noon ay putol na ang kanilang allowance sa Philippine Sports Commission – ahensiya ng gobyerno na kumakalinga sa national athletes.
Umapela si Iris kay Putch Puyat ng BSCP. Kahit paano ay may kinikilala siyang utang na loob sa naturang pinuno ng kanilang NSA kaya dinaan niya sa pakiusap na ire-consider ang kanilang desisyong sibakin sila sa panahon ng pandemya.
Pero aniya ay tengang-kawali ang BSCP at tinuloy pa din ang masaker sa national team sa panahon ng krisis.
Ang siste ay wala namang nakahanay na kapalit nila at aniya ay handa siyang makipagtunggali sa mga mas batang nais humamon sa kanilang kakayahan upang mapatunayang may ibubuga pa siya sa pambansang koponan.
Kung ganito kalupit ang mga pinuno ng NSA at BSCP na walang konsiderasyon ay dapat lang sila ang mawala sa pwesto at ipasa sa mas may dedikasyong mamuno, walang pulitika, hindi diktador at may patriotismo sa bayan.
Kahit ‘di nila aminin ay bayani na ng bansa si Iris sa larangan ng sports kaya marapat lang na lumasap siya ng tratong may dangal at di iyong basta sisipain na lang.
Kaya nga humihingi sila ng saklolo sa PSC at sa Philippine Olympic Committee at nagsumbong kay Sen.Bong Go na pinuno ng Senate Committee on Sports upang malaman ang dinanas nilang anila ay injustice sa kanilang hanay.
Ayon sa PSC ay sinulatan na nila ang BSCP tungkol sa mga nakarating sa kanilang hinaing ng national team players partikular din ang ‘di pagsusumite ng kanilang line-up kaya halos walong buwang walang allowance ang ating mga pambansang bilyarista.
Nakarating na rin ang isyu sa pamunuan ng POC at sa tanggapan ni Senator Bong Go.
Kailangang sumagot ang BSCP dito… ABANGAN!
Kasama ni Rañola na tinanggal sa national team sina Floriza Andal – 9ball doubles, Benjie Guevara at Luis Saberdo sa English Billiards at sina Basil Alshajar at Michael Angelo Mengorio sa Snooker.
Lowcut- si Iris na nagpasalamat sa kanyang taga-suportang walang sawa na si Daniel ‘Kuya Boy’ Francisco ng SPARE & STRIKE sa abot ng makakaya ay nakapag-ambag ng bronze noong 2009 Seagames, double GOLD noong 2011 Seag, bronze noong 2013 Seag, 2017 -bronze, 2nd place noong 2008 US Open I 9-ball/Las Vegas 8-ball Masters CHAMPION at wagi rin noong 2008-2010 Arizona State at Virgin Island Championships.
SARGO pa!!!
Para sa reaksiyon bukas ang korner na ito. Contact 09199845253/ email [email protected].
More Stories
Matinding hamon kina GM Laylo at Dableo ang Sta. Maria Town Fiesta Chess Challenge sa Peb. 2
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
2025 Sta. Maria Town Fiesta Chess Challenge susulong sa Peb. 2