November 6, 2024

‘SINGIT’ NA UNPROGRAMMED FUNDS SA 2024 GENERAL APPROPRIATIONS ACT,  KINUWESTIYON SA SC

Mahigpit na tinutulan ng ilang kongresista ang isiningit na unprogrammed funds sa 2024 General Appropriations Act.

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si  Cong Edcel Lagman na kumukuwestiyon sa ligalidad ng halos kalahating bilyon pisong alokasyon sa 2024 National Budget.

Kasama ni Lagman sa naghain ng petition for certiorari and prohibition kahapon sina Congressmen Gabriel Bordado Jr at Mujiv Hataman.

Binigyang-diin ni Lagman na alinsunod sa National Expenditure Program, pinalilimitahan ng Pangulong Marcos ang unprogrammed allocations sa hanggang P281,908,056,000 lamang

Ginamit na batayan ng mga Kongresista sa paghahain ng petisyon ang itinatakda ng Section 25, Article 6 ng 1987 Constitution.

Ayon sa nasabing probisyon,  hindi maaaring dagdagan ng Kongreso ang pondong inirekomenda ng Pangulo ng Bansa para magamit sa operasyon ng pamahalaan.

Iginiit ng mga petitioner ang paglabag sa Saligang Batas ng ipinasang pambansang budget na nabahiran ng grave abuse of discretion at ang mga unprogrammed funds ay mahalagang bahagi ng kabuuang gastusin ng gobyerno

Hiling ng mga petitioner sa SC,  na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang paggamit ng kinukuwestyong alokasyon sa national budget.

Hiniling din nila na  magpalabas ng writ of prohibition ang Supreme Court para sa ₱449.5 billion na unprogrammed funds at ipawalawang bisa ang kinukuwestiyong alokasyon na palihim na isiningit sa 2024 General Appropriations Act.

Kasama sa mga respondent sa petisyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Senate Finance Committee Chair Juan Edgardo Angara, House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co.

Kabilang din sa respondents sina Executive Secretary  Lucas Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman at National Treasurer Rosalia De Leon.