February 23, 2025

Sindikato ng pekeng stamp, kalaboso ng BI

Ang mga naarestong fake stamp syndicate leaders. (ARSENIO TAN)

Pinuri ng Bureau of Immigration (BI) ang Manila International Airport Authority – Airport Police Department (MIAA-APD) sa ilalim ng pamumuno ni MIAA general manager Eric Ines dahil sa pagkakatimbog kamakailan lang sa tatlong indibidwal na sangkot sa pamemeke ng departure stamps.

Naaresto ang tatlo noong Pebrero 14 ng mga miyembro ng MIAA-APD, sa ikinasang entrapment operation matapos makapangbiktima ng Filipino trafficking victims.

Sinabi ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval na ang sindikato ay umano’y naniningil ng hanggang P120,000 sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng paglalagay ng pekeng immigration departure stamp upang mapadali ang kanilang ilegal na pag-alis sa bansa, na nagpapahintulot sa kanila na magtrabaho bilang mga turista sa ibang bansa.

Kinumpirma ng forensic documents laboratory ng BI na peke ang ginamit na selyo sa dalawang babaeng biktima noong Enero 1 at 21.

Nagpasalamat ang BI sa MIAA-APD sa mabilis na aksyon at tiniyak na magpapatuloy ang kampanya laban sa mga mapagsamantalang grupo na nagpapahina sa integridad ng immigration system.