Nagpahayag ng kanyang “concern” si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang pasimuno nang madugong giyera kontra droga, kaugnay sa tila pagbabalik ng mga drug trader sa bansa.
Ito ang inihayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa kanilang naging pagpupulong ng dating pangulo kamakailan lang.
Ayon kay Dela Rosa, nalulungkot si Duterte sa balita kaugnay sa pagkakahuli ng police officers sa illegal drug operation at sa pagkakapatay ng mga hinihinalang sindikato ng droga sa ilang pulis.
“Talagang nalungkot siya na meron na namang pangyayari. But he doesn’t want to interfere how this government is running its own show… concern lang siya na babalik uli yung ninja cops, mga narco politicians, kawawa yung mga bata,” saad ni Dela Rosa.
“Umalis si President Duterte sa Malacañang, tapos bumalik sila (illegal drug traders)… kaya nga I am encouraging the PNP, diinan pa ninyo ang imbestigasyon. Talagang lilinisin mo pati ang hanay natin. Continuing internal cleansing process tayo. Tuluy-tuloy tayo dapat ngayon,” dagdag niya.
Aniya pa na dapat tiyakin ng mga awtoridad na palaging gamitin ang kanilang “kamay na bakal” laban sa mga kriminal.
Maging ang pamunuan ng PNP ay dapat maging mahigpit sa pagdidislipina ng kanilang mga tauhan.
Dahil sa ganitong alalahanin, kaya nagpasya siyang magbigay ng talumpati noong Lunes, ayon kay Dela Rosa.
Sa pagdinig sa Senado noong Lines, nanawagan si Dela Rosa sa administrasyong Marcos na ipagpatuloy ang kampanya kontra illegal droga ng gobyernong Duterte.
At sa kanyang pananaw, konektado ang mga kriminal na grupo sa illegal na droga, tulad ng tinatawag na “ninja cops” na ngayon ay mga nagbabalik para maghasik ng kasamaan.
“Marami po tayong mga sindikato na nabuwag at mga kriminal na naipakulong dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga noong panahon ni Pangulong Duterte. Maganda po itong pamana para sa administrasyon ni PBMM. Ngunit, sa kasamaang palad, Mr. President, mayroon pa ring mga matitigas ang ulo at tila sinusubukan nilang makabalik sa kanilang mga dating gawi,” ayon kay dela Rosa.
“Kaya naman po, hindi tayo dapat magpakampante. Kamakailan lamang ay may mga ulat tayong natanggap na may mga grupo na naman ng mga ‘ninja cops’ na mukhang gustong gumawa ng pangalan sa larangan ng krimen. Habang nakatuon ang atensiyon nating lahat para masugpo at mapugutan ng ulo ang mga sindikato, tahimik na gumagalaw ang kanilang mga galamay,” dagdag pa ng dating PNP Chief.
Tinukoy ni Dela Rosa ang pagkaka-aresto noong nakaraang lingo ng pitong PDEA agents sa buy-bust operation sa Taguig. Nakuha sa kanila ang P680,000 halaga ng shabu.
Noong Oktubre 8, 2020, naaresto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., isang aktibong miyembro ng Philippine National Police, sa isang anti-illegal drugs operation.
Naalala ni Marcos si Mayor bilang isang bulok na pulis na kanyang ipinatapon sa Mindanao bilang kaparusahan sa pagkakasangkot nito sa kalakaran ng illegal na droga.
Nang tanungin na kung sa palagay niya ay may mas mataas pa kay Mayor na protektor nito, sinagot ni Dela Rosa na: “Most likely.”
“I don’t want to speculate, pero ako’t nagdududa na hindi lang siya, meron pang mas malalaki pa diyan. Why? Because of the enormous amount of drugs that were seized from him. At ganun sya katapang na sya mismo ang nagbenta ng droga. May bitbit sya na two kilos naibenta niya sa isang police na anti-drug cooperative kung saan siya na-buy bust,” ayon sa senador.
Sa Pampanga, dalawang pulis ang napatay sa ambush habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation, ng mga miyembro ng “Flores drug syndicate.”
“These two policemen died on the spot. Nahuli na ang tatlong suspek, Mr. President, but the point remains: it seems the criminals are becoming bolder, shooting policemen at point-blank range, ending the lives of our operatives in an ambush attack. Ang hamon ko ngayon sa ating kapulisan, papayag ba kayong ganyan na lang ang gagawin sa inyong mga ka-baro? Needless to say, the full force of the law should be applied to them,” sambit ni Dela Rosa.
Sinabi rin ni Dela Rosa na ang ikinakatakot lang niya ang muling paghagupit ng mga kriminal sa bansa.
“Yan ang kinatatakutan ko pagka hindi na-address yan… Yung muntik na tayong maging narco-state. Na yung ibang lugar, ang mga drug lord na ang nagdidikta kung sino ang pwedeng maging mayor, pwedeng maging congressman, kung sinong mananalo sa eleksyon,” ayon kay Dela Rosa. “Meron tayong mga ganoong lugar that’s tantamount to becoming a narco state. Narco city, narco province, narco region, narco state kalaunan yan,” dagdag niya.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA