November 24, 2024

Sinagot ang Pangulo? WALANG BREAK O BAKASYON ANG COVID-19, ‘DI TULAD NG GOBYERNO – ISKO

MAYNILA – Tila pinasaringan ni Manila Mayor Isko Moreno si Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi pa malinaw kung sinagot ng alkalde ang tirada ng Pangulo sa kanyang huling State of the Nation Address, pero ipinaliwanag ni Moreno ang dahilan kung bakit tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa Maynila, umulan man o bumaha.

Aniya, hindi nagbe-break o nagbabakasyon ang COVID-19, hindi gaya ng gobyerno.

 “Ang tanong, may baha ba last year?  Meron.  May ulan ba last year? […] But to cut the long story short, my question is, si COVID-19 ba titigil kapag umulan?  Si COVID-19 ba, titigil kapag Sabado (kasi) Sabado hindi nagtatrabaho ‘yong mga gobyerno na ‘yon,” sambit ni Moreno sa kanyang Facebook live.

 “Linggo, titigil ba si COVID-19?  Naku Linggo, hindi rin nagtatrabaho ang mga gobyerno na ‘yon,” dagdag niya.  “‘Yong baha, hindi ka papatayin no’n, mahirap ang baha kapabayaan ‘yan ng gobyerno […] pero ‘yang baha na ‘yan, hindi ‘yan makakatigil kay COVID-19, may impeksyon pa rin.”

Kaya hinihikayat pa rin niya ang mga tao na magpabakuna upang manumbalik na sa normal ang lahat at maging matatag laban sa sakit.

“Natutulog sila kung saan masarap ang buhay nila, at gagamitin ang inyong mga ginawa na hindi niyo inalintana, na ‘yong papunta sa vaccination site ay talagang baha, ngunit hindi kayo nagpapigil sapagkat nakinig kayo sa akin na mahalagang mabakunahan tayo,” banggit niya.

 “Kaya tayo, dapat ‘wag tayo magpapatinag, let’s focus on our objective […] Ang makakapigil kay COVID-19 ay pagdidisiplina ng tao, at ‘yong bakuna.  ‘Yan ang importante, kaya we must focus to our objective,” dagdag niya.

Sa kanyang huling SONA noong Lubes, napuno si Duterte sa isang local government unit (LGU) na hindi niya binanggit ang pangalan, dahil sa umano’y pinabayaan pumila ang mga tao para sa COVID-19 vaccines sa gitna ng matinding pagbuhos ng ulan.

Ayon sa Pangulo na inilagay sa alanganin ang mga tao nitong hindi pinangalanang LGU, suhestiyon nito na dapat ay gumamit ito ng ibang pasilidad tulad ng gymnasium at eskwelahan para sa vaccination program.