Handang-handa na ang ilang mga driver at konduktor ng mga provincial bus kaugnay ng pagbabalik ng kanilang operasyon katulad ng bus station sa Doroteo Jose sa Maynila. (Kuha ni JHUNE MABANAG)
Simula sa Setyembre 30, bubuksan na ang 12 ruta ng modified provincial bus na patungo sa Metro Manila mula sa mga kalapit na lalawigan upang magsakay ng mga pasahero.
Ito inanunsiyo ngayong Sabado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Batay sa ipinalabas na Memorandum Circular 2020-051 na ipinost sa Facebook page ng ahensya, maaari nang bumiyahe ang mga PUBs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.
Dapat ding nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit ng bus sa mga rutang nakapaloob sa MC ng walang Special Permit.
Ngunit kapalit ng special permit ay ang QR Code na itatalaga sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUB unit.
Maari raw mai-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB.
Bukod pa rito, nire-require ang mga operators na maglagay ng Global Navigation Satellite System (GPS) para ma-monitor ang pagbiyahe nila.
Kailangan ding may Travel Authority/Pass mula sa PNP sa terminal na panggalingan ng pasahero at valid ID na may kalakip na importanteng impormasyon ng pasahero tulad ng address/place of origin, edad, at lugar kung saan nag-aaral o nagtatrabaho.
Dapat ding may written consent na pumapayag ang mga pasahero na sumailalim sa COVID-19 testing o magpa-quarantine sa terminal na pinagmulan at/o huling destinasyon sakalaing ito ay kailanganin ng LGU.
Kailangan ding magsuot ng face mask at face shield, magdala at gumamit ng alkohol o sanitizer, at sumunod sa 1-meter physical distancing.
Bawal ang pagkain, pag-inom at pakikipag-usap sa pasahero o sa cellphone sa loob ng pampublikong sasakyan.
Dapat ding makakuha ng trip ticket ang pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa sa pamamagitan ng online purchase o kaya sa mismong bus terminal.
Maaari lang ang pagbili ng ticket sa araw mismo ng pagbiyahe kung emergency.
Ang mga sumusunod na bus route ang bubuksan:
1. San Fernando, Pampanga – Araneta Center, Cubao, Quezon City
2. Batangas City, Batangas – ParaƱaque Integrated Terminal Exchange (PITx)
3. Lemery, Batangas – PITx
4. Lipa City, Batangas – PITx
5. Nasugbu, Batangas – PITx
6. Indang, Cavite – PITx
7. Mendez, Cavite – PITx
8. Tagaytay City, Cavite – PITx
9. Ternate, Cavite – PITx
10. Calamba City, Laguna – PITx
11. Siniloan, Laguna – PITx
12. Sta. Cruz, Laguna – PITx
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA