January 29, 2025

Simula Nobyembre 22-24…MANIBELA LALAHOK NA RIN SA TIGIL-PASADA

Inanunsiyo ng transport group na Manibela na magsasagawa sila ng tatlong araw na tigil-pasada simula Nobyembre 22, na isinabay sa huling araw ng nationwide protest ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operaytor Nationwide (PISTON).|

Ang nakatakdang strike ay para igiit din ang pagbasura sa programang PUV modernization na magreresulta sa pag-“phaseout” sa mga sasakyang jeep.

Mariing tinututulan ng maliliit na drayber at opereytor, sa partikular, ang sapilitang konsolidasyon ng kanilang mga prangkisa. Anang grupo, paraan lamang ito para solong kontrolin ng malalaking korporasyon ang sektor, dahil ang mga ito lamang ang magkakaroon ng kakayahan na kumpletuhin ang mga rekisito para sa prangkisa. Sapilitang ipatutupad ang konsolidasyon sa darating na Disyembre 31.

“Simula bukas, ang Manibela at iba pa nating kasamahan ay sasama na sa tigil-pasada nationwide,” ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena.

Magiging sentro ng kanilang strike ang Novaliches, Monumento in Caloocan, Manila, Muntinlupa, Paranaque, Pasig, Valenzuela, Marikina, at Project 4 sa Quezon City.

Inaasahan niya na 200,000 PUV drivers at operators ang lalahok sa nationwide strike kung saan 450 na ruta sa National Capital Region at kalapit na ruta sa Central Luzon ang maapektuhan.