December 26, 2024

SIM CARD REGISTRATION TATAPOS SA ONLINE SCAM

Dapat nang mapabilang ang Pilipinas sa mga bansang nag-oobliga ng pagpaparehistro ng mga pre-paid subscriber identity module (SIM) cards at maging paraan ito para matugunan ang mga reklamo sa fake bookings at iba pang panloloko sa online, ito ang pahayag ni Senator Win Gatchalian ngayong araw.

Sa pagtatala ng UK-based na Privacy International noong Marso 2020, sinabi ni Gatchalian na nasa 155 na bansa na ang may mandatory registration ng mga SIM card at nangangailangan ng pagpapakita ng pagkakakilanlan ng bumibili nito.

“Hangga’t walang batas na nagpaparusa  sa mga kawatan, hindi matatapos ang pambibiktima sa mga gumagawa ng trabaho nila nang marangal at umaasang may maiuwi sa kanilang pamilya,” ayon kay Gatchalian.

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, lubha nang nakakabahala ang mga paulit-ulit na insidente ng panloloko sa mga online orders o bookings na nambibiktima ng mga food delivery riders. Kamakailan lamang ay napabalita ang limang food riders na nabiktima nang may nagpa-deliver gamit ang app na Foodpanda sa isang abandonadong bahay sa Quezon City. Samu’t saring mga balitang ganito rin ang naglipana sa social media. Noong isang taon, sampung food delivery riders ang nai-book para mag-deliver ng pagkain na umabot sa P20,000 sa isang residente ng isang subdivision sa Las Piñas City na kalauna’y napag-alamanng hindi naman raw gumagamit ng kahit na anong food delivery app.

“Kung may tamang pagkakakilanlan ang taong nagpadeliver gamit ang delivery app, hindi magiging madali ang makapangloko sa mga food riders at maiiwasan ang mga ganitong klase ng insidente. Nakapanlulumo na sa gitna ng pandemya ay may mga taong nagagawa pang makapanlamang sa mga tinatawag nating essential workers sa mga panahong ito,” sabi ni Gatchalian.

Nang inihain niya ang Senate Bill (SB) No. 176 noong Hulyo 2019, sinabi ni Gatchalian na ang pangunahing layunin niya ay para sugpuin ang mga iligal na mga gawain katulad ng text scams, ransom demands, pati na rin ang mga bombing incidents na gumagamit ng prepaid SIM card sa mga mobile phones bilang triggering devices.

Sa ilalim ng SB 176 o ang panukalang SIM Registration Act, ang mga gagamit ng prepaid SIM cards ay kinakailangang magpakita ng valid ID na may kalakip na larawan at kailangang magsumite ng pirmadong control-numbered registration form ng service provider. Ang mga kopya ng nasabing dokumento ay ipapasa naman ng service provider sa National Telecommunications Commission (NTC).