KAPURI-PURI ang ginagawa ng ilang pinuno ng ibang bansa tulad ng health minister ng New Zealand na si David Clark matapos ang pagpunta niya sa isang beach sa kasagsagan ng lockdown, na hindi magawa ng mga opisyal ng pamahalaan.
Uso kasi sa sa ibang bansa ang salitang delikadesa subalit sa ating bansa tila walang ganoong salita.
Sa ibang bansa kapag ang isang pinuno ay nasabit sa anomalya at kahit hindi pa napatutunayan, agad na nagbibitiw sa puwesto. Hindi sila maituturing na mga kapit-tuko!
Palagi kasing isinasangkalan ng opisyal ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tiwala raw kasi sa kanila si Digong at tanging ang pangulo lang daw ang makapagdedesisyon sa kanilang magiging kapalaran.
Hindi nila iniinda ang mga suntok at upak ng pambabatikos sa kanila at nagagawa pa ring kumapit sa puwesto kahit kaliwa’t kanang korapsyon ang kanilang tanggapan.
Kulang na lang ay sabunutan sila pababa ng taumabayan para mapatalsik lang sa puwesto. Tanging si Pangulong Duterte na nga lang ang naniniwala sa kanila.
Hindi na nakapagtataka kung bakit kabilang tayo sa pinakakorap na bansa. Marami kasing miyembro ng Gabinete na sangkot sa katiwalian na kung hindi tinatanggal ay inililipat lamang sa ibang tanggapan.
Sa ibang bansa, mahalaga sa kanila ang dignidad at linis ng pangalan. Inaako nila ang pagkakamali. Hindi sila katulad ng Pilipinas na kahit na lantaran na ang nangyayaring anomalya ay hindi pa rin mabaklas sa puwesto. “Kapit-tuko” ang ilang pinuno sa bansang ito at hindi tinatablan ng katiting na kahihiyan.
Isang halimbawa ay ang nangyayari ngayon sa PhilHealth kung saan nadiskubre ang malawakang anomalya na ngayon ay iniimbestigahan ng Senado. Kamakailan lang ang Department of Health ang nasa ganito ring kainit na sitwasyon.
Kung tayo ang tatanungin, mas nanaisin pa natin na magbitiw na lang sila sa puwesto. ‘Yan ay kung mayroon pa silang natitirang hiya sa katawan.
More Stories
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino
Ang Pagbabalik ni Hen. Douglas MacArthur