November 3, 2024

SIGAW NG MAMAMAYAN: KALIGTASAN NG CALATAGAN!

KINAKALAMPAG  na ang  ating pamahalaan ng mga konsernadong  mamamayan sa bayan ng Calatagan sa lalawigan ng Batangas upang mapigilan na ang malawakang pagku-quarry na tunay nang panganib sa kanilang buhay kapag napabayaan at hinayaan  ang pagkasira ng kanilang kapaligiran.

Sa hinaing na ipinarating sa korner na ito ng mga mismong taga-Calatagan, namumuhay na sila ngayon sa takot at agam-agam sa pagdating ng isang man-made calamity kundi aaksiyon ang gobyerno ay masahol pa sa pandemya, super typhoon o volcanic eruption ang tatama sa kanila kung patuloy ang pagkagahaman ng iilan na nagkakamal ng salapi at wala silang pakialam sa delubyong sasalanta sa bayan dahil sa kanilang kasakiman.

Ang mga kampon ng demonyong sumisira ng kapaligiran at ang mga nakikinabang ay di naman taal na taga- Calatagan at kung mangyari man ang kinatatakutan ay may ibang lugar silang pupuntahan.

Ang tagal na pala ng  pagku-quarry doon at walang puknat hanggang ngayon kaya sobra na ang pinsala sa kabundukan ng Calatagan at naging pipi at bulag ang ilang nakikinabang sa dambuhalang kapitalistang dayuhan partikular ang pamununuan ng lalawigan ng Batangas, pamahalaang bayan ng Calatagan, mga dati at incumbent na Kapitan at Konsehal  habang di makapiyok ang mga ordinaryong residente ng  mga nalalapastangang mga barangay ng Lucsuhin, Biga,Paraiso,  Balibago at sa Lago de Oro na tinambakan na ng lupa ang tabing-dagat habang ang mga ilog ay namamatay na rin ang likas nito.

Lumulubog na ang mga kabahayan  sa madalas na pagbaha at lusakan na ang mga malapit sa dagat. Wasak na rin ang mga sementadong kalsada na dinadaanan ng mga quarry trucks na puno ng lupa at bato galing sa bundok kaya labis na ang pangamba ng maraming Calataguenos at nagpapasaklolo na sila sa national government at sa pamamagitan ng korner na ito ay maiparating ang kanilang hinaing kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa DENR sa pagkasira ng environment at DILG na warningan ang LGU ‘s doon upang mapigilan ang senaryong  catastrophe sa Calatagan.

Tinatawagan ng korner na ito ang atensiyon nina Sec. Roy Cimatu at USec Benny Antiporda, Sec. Año at Usec Diño at ang ating Pangulo mismo.

Kung wala pang aksiyon ngayon..kawawa ang mga kabayan natin sa Calatagan…

ABANGAN!