November 24, 2024

SIGANG AMERIKANO ARESTADO SA CEBU

ARESTADO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) agents sa Cebu ang isang overstaying na Amerikano na laman palagi ng reklamo mula sa kanyang mga kapitbahay dahil sa pagiging undesirable alien.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang 67-anyos na Kano na si Sunny Miller, na nadakip sa Bgy. Punta, San Remigio, Cebu ng mga operatiba ng BI intelligence division.

Ayon kay Morente, naglabas siya ng mission order para maaresto si Miller matapos makatanggap ang BI ng reklamo mula sa mga barangay opisyal kaugnay sa panggugulo at pagbabanta sa buhay ng mga residente sa naturang lugar.

“The complainants also alleged that he has been engaging in gainful business activities without the appropriate permit and visa in blatant violation of our immigration laws,” dagdag ni Morente.


Ayon sa BI chief, sasampahan ng deportation case ng immigration prosecutors si Miller bago maglabas ng order para mapalayas na sa bansa ang huli ng BI board of commissioners.

Sabi ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., lumapagpas na ang pananatili sa bansa ni Miller, dahilan para ituring siya na overstaying alien na maaring isailalim sa summary deportation.

Inakusahan din ng mga nagrereklamo si Miller na nanghaharas at nananakot at kinukupkop niya ang isang lupain sa coastal area ng baryo kaya napipilitang umalis ang mga mangingisda sa lugar para makapangisda at makapaghanap-buhay.

Inihayag din ni Manahan na nagpasa ng resolusyon ang barangay officials ng Punto para ideklara si Miller na persona non grata para sa gawaing labag sa moral, mabuting kaugalian at public policy.

Kasalukuyan nakakulong sa pasilidad ng BI sa Cebu habang hinihintay ang deportation proceedings.